Kahit malamig pa rin sa maraming lugar ng Tsina at balot pa rin sa niyebe ang hilagang-silangang rehiyon ng bansa, pumasok na ngayong araw, Pebrero 3, 2021 ang panahon ng Li Chun o Simula ng Tagsibol.
Ang Li Chun ang una sa dalawampu't apat na (24) solar term ng Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina, at literal na nangangahulugang “simula ng tagsibol.”
Ibig sabihin, magmula sa araw na ito, unti-unti nang hahaba ang araw at iikli ang gabi; mag-uumpisang mararamdaman ang dahan-dahang pagtaas ng temperatura; masisilayan ang hinay-hinay na pagkatunaw ng niyebe; magsisimula nang marinig ang huni ng maririkit na ibon; makikita ang muling pag-usbong ng panibagong buhay sa kapaligiran; at hudyat ng pagsisimula ng bagong taon .
Ngayong 2021, ang Li Chun ay magsisimula ngayong araw at matatapos sa Pebrero 18.
Selebrasyon tuwing Li Chun
May isang matandang kasabihang Tsino, "ang trabaho sa isang buong taon ay nakasalalay sa kaaya-ayang simula ng tagsibol.”
Kaya naman, para sa maraming Tsino, ang Li Chun ay isang mahalagang panahon; at sa pagdating nito, idinaraos din ang ibat-ibang selebrasyon upang salubungin ang bagong bukas na puno ng pag-asa.
1. “Pagkagat sa tagsibol”
Sa araw ng pagpasok ng Li Chun, nakagawian na ng mga Tsino, na kumakain ng spring pancake, lumpiang gulay at karne o spring roll, at carrot/radish, upang ipagdiwang ang simula ng tagsibol at ipahayag ang kanilang masaganang hangarin para sa buong taon.
Ang mga batang taga-Lianyungang, siyudad ng lalawigang Jiangsu sa dakong silangan ng Tsina habang masayang kumakain ng mala-rosas na labanos. Larawang kuha Pebrero 2, 2021.
Ang lumpia o Chun Juan sa wikang Tsino ay pareho ng lumpia sa Pilipinas - may lumpiang sariwang at mayroon ding lumpiang prito.
Pero ang spring pancake o Chun Bing sa wikang Tsino na madalas na kinakain ng mga taga-hilagang Tsina ay medyo iba sa Chun Juan.
Malimit na mas makapal ang pabalat nito kaysa sa Chun Juan, at pinalalamnan ng ginisang toge, Chinese chives, itlog, at iba pang gulay na akma sa gusto ng nagluluto.
Narito ang Chun Bing, kasama ng putaheng niluto ngayong araw ng isang karaniwang pamilya sa Beijing.
2. “Paghampas sa bisero”
Ang Tagsibol ay panahon ng pag-aararo at paglilinang.
Para rito, pinahahalagahan at iginagalang ng mga magsasakang Tsino ang baka dahil sa makabuluhang papel nito sa agrikultura.
Kaya, isa pang tradisyonal na kagawian ng mga Tsino at isinasagawa pa rin sa ilang lugar tuwing sasapit ang Li Chun ay ang “paghampas sa bisero” o "whip the spring cattle" sa wikang Ingles.
Isang biserong baka ang gagawin ng mga magsasaka mula sa papel, burak, o luwad, at ito ay kanilang papaluin sa pamamagitan ng isang makulay na panghampas bilang simbolo ng pagpapalayas sa katamaran ng mga pantrabahong hayop sa bukid at pagpapahayag ng hangarin para sa mabuting taon at ginintuang ani.
3. “Pagpapatayo ng itlog”
Ang pagpapatayo ng itlog ay isa pa sa mga kawili-wili at nakakatuwang kagawian sa pagpasok ng Li Chun.
Ayon sa paniniwala ng mga Tsino, ang sinumang makakapagpatayo ng itlog sa Simula ng Tagsibol ay magkakaroon ng magandang kapalaran.
Ang mga batang taga-Lianyungang, siyudad ng lalawigang Jiangsu sa dakong silangan ng Tsina habang masayang nagpapatayo ng mga itlog. Larawang kuha Pebrero 2, 2021.
Ayon sa mga astronomer at physicist, ang pagpapatayo ng itlog ay walang kinalaman sa oras, kundi sa mekanika.
Ang pinakamahalaga ay ang paglilipat ng sentro ng grabidad ng itlog sa pinakababang bahagi nito.
Upang tumayo ang itlog, kailangang ilagay ito sa isang posisyon kung saan mapupunta sa pinakamababang lebel ang dilaw nito.
Narito ang isang maikling video hinggil sa“pagpapatayo ng itlog.”Tara! Subukan rin ninyo!
4. Pagpapalipad ng saranggola
Tulad nating mga Pilipino, mahilig din ang mga Tsino sa pagpapalipad ng saranggola.
Isang tao habang nagpapalipad ng saranggola sa Shenyang, siyudad sa lalawigang Liaoning sa dakong hilaga-silangan ng Tsina. Larawang kuha Pebrero 3, 2021.
Bukod sa pagiging masayang aktibidad para sa magkakaibigan at magkakapamilya, mabuti rin ito sa pagpapanatili ng sigla ng katawan, nagpapaganda ng daloy ng dugo, at nagpapataas ng metabolismo.
At alam ba ninyo na ang Simula ng Tagsibol ay napakainam na panahon sa pagpapalipad ng saranggola sa Tsina?
Sa katunayan, ito ay isa sa mga tradisyunal na selebrasyon kaugnay ng Li Chun at may mahigit 2,000 taon nang kasaysayan.
Tara! magpalipad tayo ng saranggola!
5. Pagtingin sa mga bulaklak na Mei
Ang mga Mei o Chinese plum blossom ay namumukadkad simula huling buwan hanggang sa unang dalawang buwan ng Nong Li o Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina.
Kaya naman, isa sa mga kaaya-ayang aktibidad sa panahon ng Li Chun ay pamamasyal sa mga parke at pagtingin sa mga napakarikit na bulaklak na ito.
Sa Tsina, ang plum blossom ay itinuturing bilang simbolo ng katatagan dahil kaya nitong mabuhay kahit sa malamig na panahon.
Kasama ng kawayan, orkid at krisantemo, tinagurian ang mga itong“4 na maginoo ng mga bulaklak at halaman,” na kumakatawan sa mga taglay na katangian ng isang maginoo.
Mga Mei blossoms sa Gulin Park sa Nanjing, punong lunsod ng lalawigang Jiangsu sa dakong silangan ng Tsina. Larawang kuha Pebero 3, 2021.
6. Selebrasyong panalubong sa tagsibol
Mga 3,000 taon na ang nakakaraan, sinimulan ng mga Tsino ang pagdaraos ng seremonya sa panahon ng Li Chun upang ipagdiwang at salubungin ang simula ng tagsibol, kung saan, nag-aalay ng sakripisyo ang mga tao kay Gou Mang, “Diyos ng Tagsibol,” na namamahala sa agrikultura.
Noong panahon ng Dinastiyang Qing (1644-1911), ang pagsalubong sa tagsibol ay naging isa sa mahahalagang aktibidad ng mga mamamayan.
Sa kasalukuyan, dala pa rin ng maraming Tsino ang kaugaliang ito – isang kaugalian na nagpapahayag ng mabuting hangarin at positibong aspirasyon para sa bagong bukas.
Artikulo/Video: Rhio Zablan
Script-edit: Jade
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: Li Min/CFP/IC/Liu Dailan/Jade
Source: Sarah