Nang kapanayamin Biyernes, ika-5 ng Pebrero, 2021 ng CNN Philippines, ipinahayag ni Embahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas, na ang layunin ng pagbalangkas ng Coast Guard Law ng Tsina ay ipaliwanag ang mga tungkulin at kapangyarihan ng Chinese Coast Guard para maigarantiya ang mga batayang legal ng mga aksyon ng Coast Guard.
Binigyang-diin ni Embahador Huang na hindi nagbabago ang patakarang pandagat ng Tsina at palagiang iginigiit ng Tsina ang maayos na paghawak sa isyu ng South China Sea (SCS) sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian sa mga may kinalamang bansa na gaya ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Huang na ang mga nilalaman ng Coast Guard Law ay angkop sa mga may kinalamang pandaigdigang batas at regulasyon.
Kaugnay ng pagkabahala ng mga samahan ng mangingisda ng Pilipinas sa mga nilalaman ng Coast Guard Law na may kinalaman sa paggamit ng dahas, idiniin ni Huang na ang batas na ito ay nagbibigay ng karapatan sa paggamit ng dahas ng Chinese Coast Guard para tumugon lamang sa mga krimen. Aniya pa, hindi ito magdudulot ng anumang banta sa normal na gawain ng mga mangingisda.
Bukod dito, sinabi ni Huang na hanggang sa kasalukuyan, walang naganap na anumang kaso ng pamamaril ng Chinese Coast Guard sa Pilipinong mangingisda, subalit binaril minsan ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda ng Taiwan, Tsina noong Mayo ng taong 2013.
Reporter: Ernest Wang