Ipinatalastas ngayong araw, Huwebes, Pebrero 25, 2021 ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na darating sa Manila Linggo, Pebrero 28 ang 600,000 dosis ng bakuna kontra Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) na yari ng Sinovac.
Ang mga ito ay ang ipinangakong ipagkakaloob ng Tsina sa Pilipinas sa panahon ng opisyal na pagdalaw ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, noong nagdaang Enero.
Inaasahan ni Huang, na ang nabanggit na mga bakuna ay makakatulong sa paglaban ng Pamahalaan ng Pilipinas sa pandemiya ng COVID-19 at pagpapanumbalik ng pamumuhay ng mga Pilipino sa normal na kalagayan sa lalong madaling panahon.
Aniya, ang mga bakunang ipinagkaloob ng Tsina sa Pilipinas ay isa pang palatandaan ng mahalagang pagkakaibigan at partnership ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.
Sa kanya namang pahayag tungkol sa usaping ito, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na "Inaasahan at least ang pinaplano natin ay sasalubungin ng mga opisyal ang pagdating ng mga bakuna."
"If it arrives on Sunday, if I'm not mistaken, then we can roll out on Monday dahil excited na ang maraming kababayan natin," dagdag niya.
Editor: Enerst Wang