Ipinahayag ng Tsina ang pag-asang ang mga bakunang ibinigay ng bansa ay makakatulong sa Pilipinas sa pagkontrol at pagpigil ng pandemiya ng COVID-19, at pagpapanumbalik ng kabuhayan, at pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayang Pilipino.
Sinabi ito ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas sa regular na preskon sa Beijing kahapon, Marso 1.
Lulan ng isang eroplano ng People's Liberation Army (PLA) Air Force, inihatid ang 600,000 dosis ng bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Sinovac, 4:10 PM, Pebrero 28, 2021 sa Villamor Airbase, Pasay City.
Sinimulan nitong Lunes ang vaccination program sa Metro Manila.
Ani Wang, bilang mapagkaibigang magkapitbansa, nagdadamayan at nagkakapit-bisig ang Tsina’t Pilipinas laban sa pandemiya. Bunga nito, humihigpit aniya ang partnership ng dalawang bansa.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng paghahandog, ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pasasalamat sa sinseridad at kabutihan ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino.
Ani Wang, ang donasyon ng Tsina ay unang batch ng mga bakuna na tinanggap ng pamahalaang Pilipino. Tulad ng saad ni Pangulong Duterte, ang donasyong ito ay nagpakita ng pagkakaibigan at solidariad ng dalawang bansa, dagdag pa ng tagapagsalitang Tsino.
Salaysay pa ni Wang, bukod sa Pilipinas, ang mga bakuna mula sa Tsina ay ipinagkaloob at inihatid sa iba’t ibang bansa. Patuloy aniya ang Tsina sa pagpapatupad ng pangako nitong gawing pandaigdigang produktong pampubliko ang bakuna. Para rito, walang patid na makikipagtulungan ang Tsina sa lahat ng mga bansa sa larangan ng bakuna para mapuksa ang pandemiya at mapasulong ang komong kaunlaran pagkatapos ng pandemiya.
Hiniling din ng tagapagsalitang Tsino sa lahat ng mga bansang may kakayahan na kumilos para suportahan ang komunidad ng daigdig, lalo na ang mga umuunlad na bansa na mapagtagumpayan ang pandemiya.
Salin: Jade
Pulido: Mac