Halos kasabay ng pagpasok ng buwan Marso ang pagdating ngayong araw, Marso 5, 2021, sa Tsina ng ikatlong solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino – ang Jing Zhe.
Ang Zhing dito ay nangangahulugang Pagkagulat o Biglaang Pagkagising, samantalang ang Zhe naman ay tumutukoy sa mga Natutulog na Insekto sa Taglamig.
Dahil sa kahulugang ito, ang kontekstuwal na salin ng Zhing Zhe sa wikang Filipino ay Paggising ng mga Insekto.
Ayon sa matandang kuwentong bayan ng Tsina, dahil nagsisimula nang magkaroon ng malalakas na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat tuwing panahon ng Jing Zhe, nagugulantang at nagigising ang mga insekto.
Pero, ito ay kuwentong bayan lamang, at ayon sa meteorolohikal na siyensiya, ang tunay na dahilan ng paggising ng mga insekto ay ang patuloy na pag-init ng panahon at pagtaas ng humidity ng lupa sa panahon ng Tagsibol.
Alam ba ninyo, na hindi lamang mga insekto ang gumigising sa panahon ng Jing Zhe?
Sa katunayan, ang solar term na ito ay may mahalagang katuturan para sa agrikultura ng Tsina, gayundin sa muling panunumbalik ng buhay at sigla ng mga hayop at halaman.
Sa panahon ng Jing Zhe, dumarating ang ulan ng tagsibol at patuloy ding iinit ang panahon, kaya naman, ito ay napakainam sa pagtubo ng mga pananim sa bukirin.
Dahil sa nasabing mga kondisyon, ang yugtong ito ay hudyat para sa mga magsasakang Tsino upang simulan ang pag-aararo at pagsasaka sa tagsibol.
Kaugnay nito, may isang matandang kasabihan sa Tsina, "Sa pagdating ng Jing Zhe, ang pag-aararo sa tagsibol ay walang-pahinga.” Bukod sa pagsasaka
Ipinakikita ng kasabihan ang tunay na halaga ng Jing Zhe para sa mga magsasakang Tsino.
Nagbibilad ang mamamayan ng tsaa sa Nayong Qingyangba, Xuan'en County, Lalawigang Hubei, Tsina. Marso 5, 2021.
Abalang abala sa bukirin ang mga magsasakang taga-Nayong Manxi, Yuqing County, Lunsod Zunyi, Lalawigang Guizhou, Tsina. Marso 4, 2021
Samantala, kasabay ng pagtaas ng temperatura, gumigising ang maraming uri ng hayop: ang mga isda ay lumalangoy mula sa malalalim na katubigan patungo sa mababaw na bahagi upang kumain, magparami at mangitlog.
Ang mga ahas at katulad na hayop ay lumalabas sa kanilang mga lungga upang maghanap din ng pagkain at magbilad sa araw.
Bukod pa riyan, nagsisimulang magkadahon at mamulaklak ang mga puno ng melokoton o peach tree, at di-maglalaon, masisilayan sa maraming bahagi ng Tsina ang mga kulay rosas at puting bulaklak nito.
Namumukadkad ang mga peach blossom sa Jinwan, Xinye County, Nanyang City, Henan Province, Tsina. Marso 5, 2021.
Magsisimula ring yayabong ang mga damo, iba pang puno't halaman, at ang buhay ay muling magbabalik sa kapaligiran.
Mga cherry blossom sa Nanjin, punong-lunsod ng Lalawigang Jiangsu. Marso 5, 2021.
Umuusbong ang mga dahon ng willow sa Huai'an, lunsod sa Lalawigang Jiangsu, Tsina. Marso 5, 2021.
Mga kagawian at pagkain tuwing Jing Zhe
Tulad ng iba pang solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino at mahahalagang Pestibal Tsina, may mga espesyal na paniniwala at pagkain sa panahon ng Jing Zhe, at ito ay ang mga sumusunod:
Ayon sa matandang paniniwalang Tsino, ang puting tigre ay isang nilalang na nagdadala ng pag-aaway at di-pagkakaunawaan.
Ito ay nagsisimulang lumabas at mangagat ng tao tuwing Jing Zhe.
Ang mga nakagat ng puting tigre ay makakatagpo ng masasamang nilalang sa kanyang buhay na magdadala ng kamalasan.
Kaya, para maiwasan ito, isang matandang paniniwala ng mga Tsino ang pag-aalay ng sakripisyo sa puting tigre, sa pamamagitan ng pagsulat ng larawan nito sa isang papel at paglalagay ng dugo at karne ng baboy sa bibig, nang sa ganoon, mabusog ang hayop at hindi na mangangagat pa ng mga tao.
Ang kagawian ng "pagparusa sa kontrabida" ay pinaniniwalaang nagsimula noong panahon ng Dinastiyang Tang (618AD-907AD), at ito ay popular sa lalawigang Guangdong at Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR).
Tuwing Jing Zhe, ginagawa ang kagawiang ito sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang "mangkukulam" o “witch” (kadalasan isang nakakatandang babae) na siyang aatasan upang “magparusa sa kontrabida o masamang nilalang.”
Gagamitin ng itinalagang “mangkukulam” ang kanyang sapatos at iba pang kagamitan upang paluin o pukpukin ang mga hugis taong ginupit na papel, na sumisimbolo sa “kontrabida o masamang nilalang” upang mapalayas ang kamalasan.
Sa HKSAR, kadalasan itong isinasagawa sa Swan Neck Bridge sa pagitan ng Causeway Bay at Wan Chai.
Dahil ang Jing Zhe ay panahon ng paggising ng mga insekto, ang mga Tsino ay may matandang tradisyon ng pagpapalayas sa ‘maliit na tao,’ kung saan, ang ‘maliit na tao’ ay tumutukoy sa mga ahas, nakakasakit na insekto, lamok, daga, at amoy ng amag.
Para rito, sinisindihan ng mga Tsino ang mga insenso o iba pang tradisyunal na halamang-gamot sa apat na sulok ng kanilang bahay.
Bukod sa pagpapalayas sa mga insekto sa bahay, naniniwala rin ang mga Tsino na ang gawaing ito ay magpapa-alis sa malas.
Sa panahon ng Jing Zhe, nagigising mula sa mahabang pagtulog ang maraming hayop, kasama na ang mga isda.
Mula sa malalim na bahagi ng katubigan, lumalangoy patungong mababaw na bahagi ang mga isda para humanap ng pagkain, magparami at mangitlog, kaya naman ito ay mainam na panahon para sa pamimingwit.
Ang pamimingwit kasama ng pagbibilad sa araw, pakikinig sa huni ng mga ibon, at pagmamasid sa kapaligirang unti-unting nagkakaroon ng buhay at sigla ay mga gawaing nagbibigay-pahinga sa katawan at isip, at nagpapanatag ng kalooban, lalo na para sa mga taong nakatira sa mga lunsod.
Tanawin ng tagsibol sa Huai'an, lunsod sa Lalawigang Jiangsu, Tsina. Marso 4, 2021.
Ang pagkain ng peras sa panahon ng Jing Zhe ay isang popular na kagawian sa Tsina.
Kasabay ng pag-init ng panahon at pagtuyo ng hangin, nanunuyo rin ang mga labi, bibig at lalamunan ng mga tao, na maaaring magsanhi ng sipon at pag-ubo.
Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM) ang matamis, masabaw, malamig at natutunaw-sa-bigbig na peras ay maghahatid ng kahanga-hangang lasang siguradong magbibigay-aliw sa panlasa at magpapalusog ng baga.
Kaya naman, rekomendado ang pagkain ng peras tuwing Jing Zhe sa Tsina.
Narito ang isang putaheng maaari ninyong subukan:
Matamis na Sinabawang Peras
3 Peras
2-3 kutsara ng Pulang Asukal
Goji Berry at Chinese Dates (opsyonal)
Balatan at alisan ng buto ang mga peras;
Hiwain ang mga ito ayon sa nais na laki;
Pakuluan ang mga peras sa isang kaserola;
Sa sandaling kumulo ang tubig, hinaan ang apoy sa katamtaman at ilagay ang asukal, Goji Berry at Chinese Dates;
Maghintay ng 10 hanggang 15 minuto;
Isilbi habang mainit-init pa.
Dahan-dahang higupin ang sabaw, at namnamin ang matamis at masarap na peras!
Artikulo: Rhio Zablan
Edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Source: Sarah
Larawan: IC/CFP/Jade
Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina
Yu Shui, tagapagdala ng biyayang ulan at panahon ng makukulay na kagawiang Tsino
Xiao Nian, paghahanda sa Bagong Taong Tsino at selebrasyon para sa masaganang bukas
Laro ng pagpapatayo ng itlog at pagkain ng lumpia, mga kaugalian sa Li Chun
Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina