Isa sa mga mahalagang tradisyunal na pestibal sa Tsina ay tinatawag na Xiao Nian, at ito ay ipinagdiriwang ngayong araw, Pebrero 4, 2021.
Para sa nasyong Tsino, ang Xiao Nian ay isang espesyal na araw, dahil ito ay hudyat ng pagsisimula ng lahat ng preparasyon para sa Pestibal ng Tagsibol o Bagong Taong Tsino – pinakamahalagang pagdiriwang ng Tsina
Sa pagpasok ng Xiao Nian, isang linggo lamang ang hihintayin bago dumating ang Pestibal ng Tagsibol.
Kaya, sa araw na ito, ang mga tao ay nagsisimulang maglinis ng bahay, nagtatapon ng mga luma at sirang kagamitan, naglilinis ng katawan, nagpapagupit, at namimili ng mga bagong kagamitan bilang simbolo ng pagwawaksi ng mga di-kanais-nais at selebrasyon sa pagharap sa masaganang bukas.
Ang Xiao Nian ay ipinagdriwang tuwing ika-23 o ika-24 na araw ng ika-12 buwan ng Nong Li o Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina, at ito ay literal na nangangahulugang“Maliit na Bagong Taon.”
Dahil espesyal ang araw na ito, isa ring espesyal na artikulo ang ihahandog ko sa inyo tungkol sa mga paniniwala, kustombre, at mga pagkain sa panahon ng Xiao Nian.
Ji Zao o Pag-aalay sa Diwata ng Kusina
Ang Xiao Nian ay tinatawag din bilang“Pestibal ng Diwata ng Kusina”o“Pestibal ng Pag-a-alay sa Kalan.”
Ayon sa matandang alamat ng Tsina, kada taon ay ipinadadala ng Jade Emperor (makalangit na emperador ng Taoismo) sa daigdig si Zao Shen, ang“Diwata ng Kusina”upang superbisahin ang lahat ng pamilya.
Sa kanyang pagbalik sa“langit,”na natataon sa ika-23 araw o ika-24 ng ika-12 buwan ng Nong Li, inu-ulat ni Zao Shen kay Jade Emperor ang katayuan at mga aktibidad ng bawat pamilya.
Kung mainam ang ulat, magandang kapalaran at maraming pagpapala ang ipagkakaloob ng Jade Emperor sa pamilya sa susunod na taon, pero, kung ang ulat ay hindi maganda, hindi rin mainam ang kapalaran ng pamilya.
Kaya, para magbigay ng magandang ulat si Zao Shen sa Jade Emperor, nakagawian na ang pagsasagawa ng Ji Zao o pag-a-alay ng insenso, pagkain, at minatamis na kakanin sa imahe ni Zao Shen sa araw ng Xiao Nian.
Naniniwala ang mga Tsino na kapag nag-alay ng minatamis na kakanin kay Zao Shen,magiging maganda ang ulat niya sa Jade Emperor.
Ito ay isang nakakatuwang matandang alamat, subalit ang pinakamahalagang ideya at aral ng kagawiang ito ay ang pagiging mabuti sa kapuwa tao at pagtalima sa ginintuang aral na “huwag mong gagawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo.”
Tulad nating mga Pilipino, naniniwala ang mga Tsino na kapag mabuti ang iyong itinanim, mabuti rin ang iyong aanihin.
Sao Chen o Paglilinis ng bahay
Sa umaga ng araw ng Xiao Nian, isa nang tradisyunal na kagawian sa Tsina ang Sao Chen o paglilinis ng bahay.
Sa wikang Tsino ang pagwawalis ay (扫sǎo), samantalang ang alikabok naman ay (尘chén), at ito ay kasintunog ng (陈chén), na nangangahulugang matanda.
Kaya sa araw na ito, bukod sa pagwawalis at paglilinis ng alikabok, itinatapon din ng mga Tsino ang mga luma at sirang kagamitan bilang tanda ng pagbabago tungo sa mas mabuting kinabukasan, pagwawaksi sa mga di-mainam na bagay, at pagharap sa panibagong bukas na may positibong atityud.
Pagpapaskil ng Chun Lian o Spring Festival Couplet at Chuang Hua o ginupit na papel na pambintana
Sa pagpasok ng Xiao Nian, isa pang matandang kagawian sa Tsina ang pagpapaskil ng mga Chun Lian o Spring Festival Couplet, sa kanilang mga pintuan, at pagdidikit sa mga bintana ng mga ginupit na papel o Chuang Hua.
Ang mga ito ay pawang gawa sa pulang papel, na nagpapahiwatig ng suwerte, at binubuo ng iba't-ibang hugis at disenyo.
Ang dalawang ito ay mga kagawian bilang pagpapahayag ng mabuting hangarin, pagbati, at pagwelkam sa panibago at mas mainam na kinabukasan.
Mga pagkain
Zao Tang – ito ay isa sa mga pinakamahalagang tradisyunal na pagkain para sa Xiao Nian. Ang Zao Tang ay gawa sa maltose, may iba’t ibang histura, at ang pangunahing dalawang uri ay: Tang Gua at Guan Dong Tang. Ang Tang Gua ay mukhang maliit na kalabasa, may guwang sa gitna at malutong. Samantala, ang Guan Dong Tang naman ay parihaba na parang tubo, may guwang din sa gitna at malutong. Ang mga pagkaing ito ay may-kaugnayan sa alamat ng pag-a-alay ng matamis na pagkain kay Zao Shen upang magandang ulat ang kanyang ilahad sa Jade Emperor.
Jiao Zi o Dumpling – may kasabihan sa Tsina: “isinisilbi ang dumpling bago lumisan ang bisita at pansit naman sa pagtanggap ng bisita.” Dahil ang Xiao Nian ay araw ng pagbalik ni Zao Shen,“Diwata ng Kusina”sa langit, ang Jiao Zi o dumpling ay esensyal na pagkaing isinisilbi sa Tsina tuwing Xiao Nian. Bukod dito, ang Jiao Zi ay mainam ding pampaginhawa ng pakiramdam at pampalakas ng katawan lalo na kung malamig ang panahon.
Nian Gao o Tikoy – bukod sa pagiging isa sa mahalagang alay para kay Zao Shen, ang matamis na Nian Gao ay paboritong kainin sa maraming lugar ng Tsina tuwing Xiao Nian. Ito ay simpleng lutuin ngunit napakalinamnam.
Gan Zhe o Tubo – dahil ito ay may maraming hugpungan na tulad ng hagdan, na maaring gamitin ni Zao Shen sa muling pag-akyat sa langit, naniniwala ang mga Tsino na ang pagkain nito ay magdadala ng suwerte. Kaya, popular ang Gan Zhe tuwing Xiao Nian sa Tsina.
Zong Zi o hugis tatsulok na suman – tulad ng pagkain ng Gan Zhe, isa ring matandang paniniwalang Tsino, na maghahatid ng magandang kapalaran ang pagkain ng Zong Zi o hugis tatsulok na suman sa panahon ng Xiao Nian. Ang Zong Zi ay malagkit, malinamnam at maaaring haluan ng iba’t-ibang rekadong tulad ng dates, pasas, itlog na maalat, karne at marami pang iba.
Artikulo: Rhio Zablan
Script-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: IC/VCG/Jade
Sources: Sarah