Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina

2021-02-26 10:18:01  CMG
Share with:

Para sa mga Pilipino, ang Parol ay simbolo ng Kapaskuhan, ekspresyon ng pananampalataya sa May-Likha, pagpapahayag ng pag-asa para sa masaganang bukas, at tanda ng pangingibabaw ng liwanag sa dilim.

 

Noong panahon ng mga Kastila, ang Parol ay ginamit ng mga ninunong Pilipino bilang ilaw sa kanilang pagpunta sa simbahan para sa siyam na araw na Simbang Gabi o Misas de Aguinaldo.

 

Matapos ang misa, isinasabit ang mga ito sa labas ng kanilang mga tahanan upang magsilbing liwanag sa madilim na gabi at maningning na simbolo na handa na ang pamilya upang salubungin ang pagsilang ng Tagapagligtas.

 

Samantala, isa ring napakahalagang papel ang ginampanan at patuloy pang ginagampanan ng Parol sa paghubog ng paniniwala, kultura at lipunan ng Tsina.  

 

Tinatawag na Deng Long sa wikang Tsino, ang Parol ay isang tradisyunal na kagamitang pang-ilaw sa mga tahanang Tsino noong bago pa magkaroon ng koryente.

 

Katulad sa Pilipinas, ito ay simbolo ng pestibidad, mabuting hangarin, at pagpapahayag ng pag-asa para sa masaganang kinabukasan.

 

Noong unang panahon, isinusulat ng mga Tsino ang kanilang apelyido sa Deng Long at isinasabit sa harap ng pinto, upang magsilbing karatula ng pamilya.

 

Bukod pa riyan, ang sagisag ng palasyong imperyal sa sinaunang Tsina ay isang uri ng espesyal na parol na hugis heksagon at oktagon, may mga palawit, at sa bawat panig nito ay nakalarawan ang makukulay na disenyo.

 

Bagamat magkaiba ang disenyo at hugis ng Deng Long ng Tsina sa Parol ng Pilipinas, ang pangkalahatang layunin ng paggamit at kahalagahan sa buhay ng mga mamamayan ay halos magkatulad.

 

Ang tradisyunal na parol ng mga Pilipino ay karaniwang hugis bituwin na may limang sulok, gawa sa kawayan na binalutan ng ibat-ibang kulay na Papel de Hapon, at nilalagyan ng kandila sa loob upang magsilbing ilaw.

 

Samantala, ang tradisyunal na Deng Long ng mga Tsino ay karaniwan namang hugis habilog, gawa rin sa kawayan na binalutan ng  kulay pulang manipis na papel, seda o tela, at nilalagyan din ng kandila sa loob upang magsilbing ilaw.

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG211310294750

 

Sa pagdiriwang ngayong araw, Pebrero 26, 2021 ng Yuan Xiao Jie o Pestibal ng Parol, nais kong ihandog sa inyo ang iba’t-ibang kawili-wili at makukulay na tradisyon tungkol sa Parol o Deng Long ng Tsina.

 

Yuan Xiao Jie, isang makulay at maliwanag na selebrasyon

 

Idinaraos tuwing ika-15 araw ng unang buwan ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, ang  Yuan Xiao Jie o Pestibal ng Parol ay hudyat ng pagtatapos ng lahat ng selebrasyong may kaugnayan sa Bagong Taong Tsino o Pestibal ng Tagsibol (pinakamahalagang pagdiriwang ng Tsina).

 

Ang Yuan ay nangangahulugang una o simula at ang unang buwan ng kalendaryong Tsino ay tinatawag na buwang Yuan; ang Xiao ay nangangahulugang gabi  at ang Jie ay pestibal. Ang ika-15 ng unang buwan ng kalendaryong Tsino ay ang unang gabi ng taon na may pinakabilog at pinakamaliwanag na buwan. Kaya, ang Yuan Xiao Jie ay literal na nangangahulugang“pestibal ng gabi ng unang buwan (na may pinakabilog na buwan).”  

 

At dahil may-kaugnayan ito sa gabi, ang makukulay na Deng Long ang siyang pokus ng selebrasyon at may sentral na papel sa pagpapaliwanag sa dilim ng gabi: ito rin ang dahilan kung bakit ang kontekstuwal na salin ng Yuan Xiao Jie sa wikang Filipino at Ingles ay Pestibal ng Parol at Lantern Festival.

 

Tradisyon at pagkain sa Yuan Xiao Jie

 

Marami ang mahahalagang tradisyong Tsino tuwing sumasapit ang Yuan Xiao Jie, at siyempre, kagaya rin ng iba pestibal sa Tsina, hindi ito maaaring lumipas nang walang espesyal na putaheng handa.

 

Narito ang ilan sa mga kilalang tradisyon at pagkain tuwing Yuan Xiao Jie.

 

  • Pagpapa-ilaw at panonood sa mga Deng Long

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG211318353987

 

Sa pagsapit ng Yuan Xiao Jie, makikita ang napakaraming Deng Long na may iba’t-ibang disenyo, hugis at laki saan man dako ng Tsina, kabilang dito ang mga tradisyonal na disenyong tulad ng habilog, isda, dragon, kambing o tupa, at marami pang iba.

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG41556581403

Mga Deng Long sa Chengdu, Lalawigang Sichuan, Tsina. 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG41167307703

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG211306519186

Mga Deng Long sa iba't ibang hugist at disenyo 

 

Kaya naman, ang pagpapa-ilaw at panonood sa makukulay at naggagandahang Deng Long ay ang pangunahing aktibidad sa pestibal na ito.

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_1148132208171155502

Pagtatanghal ng mga Deng Long na may hugis-kuneho sa Shanghai, Tsina, Pebrero 24, 2021. 

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_1148856717614383153

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_1148856717614383141

Pagtatanghal ng mga Deng Long sa Yuncheng, lalawigang Shanxi, Tsina, Pebrero 25, 2021. 

 

Ang pagpapa-ilaw ng mga Deng Long ay paraan ng mga mamamayan upang ipahayag ang kanilang mabuting hangarin at pag-asa sa mas masaganang bukas para sa kanilang pamilya at kaibigan.

 

Para naman sa mga babaeng nais magkaroon ng anak, isang pamahiin ang paglakad sa ilalim ng mga nakasabit na Deng Long.

 

Ang ideyang ito ay may similaridad sa paniniwalang Pilipino, na kapag nagsayaw ka sa Pista ng Obando, bibiyayaan ka ng supling.  

 

  • Pagbubugtungan

 

Ang pagsusulat ng mga bugtong sa mga pirasong papel at pagdidikit ng mga ito sa mga sariling-gawang Deng Long ay isa sa mga napakahalaga at popular na aktibidad ng magkakapamilya at magkakaibigan tuwing Yuan Xiao Jie.

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG211302898652

 

Sa paglalaro, kung sa tingin ng isang manlalaro ay nahulaan niya ang sagot, maaari niyang kunin mula sa Deng Long ang piraso ng papel kung saan nakasulat ang bugtong, at lumapit sa may-akda upang kumpirmahin kung tama ang kanyang sagot.

 

Kung talagang tama ang sagot, makakatanggap siya ng premyo.

 

Ito ay isang masayang laro na nagpapahigpit sa ugnayan ng mga miyembro ng pamilya at magkakaibigan.

 

 

  • Pagkain ng Tang Yuan at Yuan Xiao

 

Ang Tang Yuan at Yuan Xiao ay similar sa Bilu-bilo ng mga Pilipino.

 

Tulad, ng Bilu-bilo, ang Tang Yuan at Yuan Xiao ay hugis bilog at gawa sa malagkit na bigas, pero, di-tulad sa Bilu-bilo, ang Tang Yuan at Yuan Xiao ay nilalagyan ng iba’t-ibang palaman tulad ng puting asukal, pulang asukal, anis, mani, walnut, talulot ng bulakak ng rosas, bean paste, at jujube paste, karne, gulay, o kombinasyon ng mga rekado, matamis man o maalat.

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG211171585820

Yuan Xiao

 

Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina_fororder_VCG211266049406

Tang Yuan

 

Ito ay maaaring lutuin sa pamamagitan ng pagpapakulo, pagpapasingaw, at pagpiprito. 

 

Sinisimbolo ng hugis bilog na Tang Yuan at Yuan Xiao ang kumpletong masayang pamilya, kaya naman, tuwing sasapit ang Yuan Xiao Jie, ang pagkain ng Tang Yuan at Yuan Xiao ay paraan upang ipahayag ang hangarin para sa mabuting kalusugan, masaganang kinabukasan at laging pagsasama-sama ng buong pamilya.

 

Bilang dalawang sagisag at pangunahing pagkain ng Lantern Festival, may pagkakapareho at pagkakaiba ang Tang Yuan at Yuan Xiao sa paraan ng paggawa, paraan ng pagkain at palaman. Maaari naming ipaliwanag sa inyo sa hiwalay na artikulo.

 

  • Sayaw ng Leon

 

Para sa mga sinaunang Tsino, ang leon ay simbolo ng katapangan at lakas, kaya naman, naisip nilang gamitin ang diwa nito sa pamamagitan ng pagtatanghal upang palayasin ang kasamaan at ipagsanggalang ang kanilang sarili, mga alagang hayop at iba pang ari-arian.

 

Sa ngayon, itinatanghal ang Sayaw ng Leon sa mahahalagang pestibal at pagdiriwang sa Tsina, kabilang na ang Yuan Xiao Jie.

 

Tulad noong sinaunang panahon, layon ng pagtatanghal ng Sayaw ng Leon na palayasin ang kasamaan, ipahayag ang hangarin para sa masaganang kinabukasan, at mabuting kalusugan.

 

Dahil sa pangingibang-bayan ng maraming Tsino, kilala na ngayon sa maraming bansa sa daigdig na kinabibilangan ng Pilipinas, Malaysia, Singapore,  Amerika,  at iba pa ang Sayaw ng Leon, at itinatanghal ito tuwing may espesyal na pagdiriwang.

 

Alamat at mitilohiya ng Yuan Xiao Jie

 

Marami, makulay, kawili-wili, at interesante ang iba’t-ibang aktibidad at tradisyon tuwing Yuan Xiao Jie, pero, alam ba ninyo kung paano ito nagsimula?

 

Tulad ng mga Pilipino, ginagamit din ng mga Tsino ang mga alamat at mitolohiya upang ipaliwanag ang pinagmulan ng mga bagay-bagay.

 

Sa Pilipinas, mayroong Alamat ng Pinya, Alamat ng Durian, Alamat ni Maria Makiling, Alamat ni Bernardo Carpio, etc.

 

Sa Tsina, mayroong mga  alamat tungkol sa Bagong Taong Tsino o Pestibal ng Tagsibol, Alamat ng Pestibal ng Qixi o Araw ng mga Puso ng Tsina, Alamat ng Zhong Qiu Jie o Pestibal ng Gitnang Taglagas, Alamat tungkol sa Yuan Xiao Jie, at marami pang iba.

 

Narito at tunghayan natin ang ilang alamat at mitolohiya ng Yuan Xiao Jie.

 

--Ang Kuwento ni Emperador Ming at mga Budistang Monghe

Sa panahon ng Silangang Dinastiyang Han (25AD–220AD), nabalitaan ni Emperador Ming na tuwing ika-15 araw ng unang buwan ng  Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, sinisilayan ng mga monghe ang sarira, relikya ng Budismo at nagpapa-ilaw ng mga parol bilang pagpapakita ng paggalang sa Buddha.

Kaugnay nito, ipinag-utos ng emeperador sa lahat ng mamamayan na magsabit ng parol sa araw na iyon.

Mula noon, ang pagsasabit ng parol tuwing ika-15 araw ng unang buwan ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino ay naging masayang pagdiriwang at dahan-dahang kumalat sa buong Tsina.

 

--Ang Kuwento ng Jade Emperor at diwatang crane

 

Noong unang panahon, may isang naligaw na diwatang crane sa Mundo at sa kasamaang-palad, ito ay napatay ng isang mangangaso.

 

Dahil dito, nagalit ang Jade Emperor, na siyang may-ari ng diwatang crane kaya, nagdesisyon siyang parusahan mangangaso sa pamamagitan ng pagsunog sa kanyang nayon.

 

Pero, hindi sang-ayon dito ang anak na babae ng emperador at palihim niyang binalaan ang mga mamamayan tungkol sa napipintong panganib.

 

Upang iligtas ang nayon, naisip ng mga tao na magpa-ilaw ng mga parol at magsindi ng paputok mula sa ika-14 hanggang sa ika-16 na araw ng unang lunar na buwan para isipin ng Jade Emperor na nasusunog na ang nayon at hindi na niya kailangan pa itong sunugin.

 

Dahil dito, nailigtas ang nayon.

 

--Ang Kuwento ng Scholar-official na si Dongfang Shuo at ang tagapaglingkod na si Yuan Xiao

 

Si Dongfang Shuo ay isang scholar-official at court jester noong panahon ng Dinastiyang Han.

 

 

Minsan, habang siya ay nasa palasyong imperyal, nakita niya si Yuan Xiao, isang babaeng tagapaglingkod na nasa proseso ng pagpapakamatay dahil sa pangungulila sa pamilya.

 

Niligtas niya ang babae at pinangakuang tutulungan upang muling makasama ang pamilya.

 

Isang araw, nagtayo ng puwestong pahulaan si Dongfang sa kalye, at napakaraming tao ang nagpunta sa kanya upang magpahula.

 

Ang nakakagulat, maraming tao ang nakatanggap ng pare-parehong prediksyon – isang malagim na sunog ang mangyayari sa lunsod, kaya tinanong nila si Dongfang kung ano ang nararapat gawin.

 

Ani Dongfang,  kailangang konsultahin ang isang diwatang nakasuot ng pula na ipinadala ng langit upang sunugin ang buong lunsod sa ika-13 araw ng buwan.

 

Nang dumating ang di-umano’y diwatang nakapula (sa katotohanan ay si Yuan Xiao, ang tagapaglingkod na iniligtas ni Dongfang Shuo), nagsumamo sa kanya ang mga tao.

 

Iniwan niya ang isang “atas mula sa langit,” na nag-uutos sa mga mamamayan na hingin ang tulong ng emperador.

 

Dinala ng mga tao sa emperador ang nasabing “atas mula sa langit.”

 

Matapos konsultahin si Dongfang, ipinag-utos ng emperador ang paggawa ng Tang Yuan ng lahat ng pamilya.

 

Ito ay bilang pagsamba sa diyos ng apoy, at dahil ito rin ang kanyang paboritong minatamis.

 

Sa palasyong imperyal, si Yuan Xiao ang naatasang gumawa ng Tang Yuan.

 

Ayon pa sa utos ng emperador, kailangang isabit ang mga parol sa lahat ng bahagi ng lunsod at sindihan ang mga paputok upang ipakita sa diyos ng apoy na nasusunog na ang lunsod at hindi na niya ito kailangan pang sunugin.

 

Inatasan din ng emperador ang mga residenteng nasa labas ng kabisera  upang dumating sa lunsod at makisaya sa pagtitipon.

 

Dahil dito, muling nakasama ni Yuan Xiao ang kanyang pamilya sa ika-15 araw ng unang lunar na buwan.

 

Dahil si Yuan Xiao ay napakagaling sa pagggawa ng Tang Yuan, ang pestibal ay tinawag na Yuan Xiao Jie.

 

 

Artikulo: Rhio

Script-edit: Jade/Rhio

Web-edit: Jade/Sarah

Source: Rhio/Jade 

Larawan: IC/CFP/Jade 

 

 

 

 

Please select the login method