Sa pamamagitan ng video conference, nilagdaan nitong Martes, Marso 9, 2021 ng China National Space Administration (CNSA) at Roscosmos, ahensyang pangkalawakan ng Rusya, ang Memorandum of Understanding (MOU) hinggil sa magkasamang pagtatatag ng pandaigdigang istasyon ng pananaliksik sa Buwan ng dalawang bansa.
Ang nasabing MOU ay nilagdaan, alinsunod sa pag-aproba ng mga pamahalaan ng Tsina at Rusya.
Batay sa diwa ng magkasamang pagsasanggunian, pagtatatag at pagbabahagi, pasusulungin ng kapuwa panig ang malawakang kooperasyon sa pandaigdigang istasyon ng pananaliksik sa Buwan, at bubuksan ito sa lahat ng mga intersadong bansa at partner sa daigdig, para mapasulong ang mapayapang paggagalugad at paggamit ng kalawakan ng sangkatauhan.
Laging isinasagawa ng Tsina at Rusya ang kooperasyon sa larangan ng teknolohiyang pangkalawakan, siyensiyang pangkalawakan, at paggamit ng kalawakan.
Hinggil dito, magkakasunod na nilagdaan ang maraming kasunduan, at aktibong pinasulong ang kooperasyon sa eksplorasyon sa Buwan at kalawakan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio
Photo credit: CNSA