Ang Marso ay buwan ng selebrasyon ng pagkakatatag ng Lunsod ng Dabaw.
Sa taong ito, dahil sa epekto ng COVID-19, ipinagdiwang sa pamamagitan ng mga online na aktibidad ang Ika-84 na Araw ng Dabaw.
Samantala, bilang kapatid na lunsod o sister city ng Dabaw, ang Lunsod ng Jinjiang, lalawigang Fujian; at Lunsod ng Nanning, punong lunsod ng Guangxi ng Tsina ay nakiisa rin sa selebrasyon, at nagpadala ng mensaheng pambati.
Tulad ng kahilingan ni Mayor Inday Sara Duterte na isabay sa pagdiriwang, ang pagsasapuso ng lahat ng frontliner na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19, lahat ng binawian ng buhay dahil sa pandemiya, at lahat ng Dabawenyong sumusunod sa alituntunin upang maisigurado ang kaligtasan ng lahat, hangad naming malampasan nating lahat ang pandemiya sa lalong madaling panahon.
Sa bisa ng Republic Act No. 11379, Series of 2019 o kilala rin bilang“An Act Declaring March 1 of Every Year a Special Working Holiday in the City of Davao, Province of Davao del Sur, to be Known as“Araw ng Dabaw,”Repealing for the Purpose Republic Acts Numbered 7551 and 7685,” inilagay sa Marso 1 kada taon ang selebrasyon ng Araw ng Dabaw, sa halip na Marso 16.
Ngunit, dahil sa panganib na dulot ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), kinansela kamakailan ni Mayor Sara Duterte ang lahat ng pisikal na pagdiriwang kaugnay ng Ika-84 na Anibersaryo ng Araw ng Dabaw ngayong taon.
Sa kanyang pahayag sa opisyal na Facebook page ng Lunsod ng Dabaw, sinabi ni Mayor Duterte na “wala pa ring kasiguruhan ang situwasyon ng novel coronavirus at wala pang nakaka-alam kung kailan magiging matatag ang situwasyon, o kung kailan makokontrol ang pagkalat nito sa buong mundo.”
“Kaya, mabigat man sa puso, napagdesisyonan kong kanselahin ang mga sumusunod na pagdiriwang kaugnay ng Ika-84 na Araw ng Dabaw: Pasiugdang Pagsaulog, Reyna Dabawenya, Ginoong Davao, Sayaw Pinoy, Kalingawan sa Sta. Ana, Hudyaka, Mutya ng Dabaw, Pasidungog, Araw ng Empleyado, Kanta Bidabawenyo, Parada Dabawenyo, at Datu Bago Awards,” saad ni Duterte.
Pero, kanselado man ang mga pisikal na pagdiriwang, nagtuloy pa rin ang selebrasyon sa online na plataporma.
Mula Marso 1 hangang 3, 2021 idinaos ang ibat-ibang online na aktibidad at selebrasyong kinabibilangan ng Tilaw Dabaw, pagpapakita ng putahe ng lunsod; Hugyaw Dabaw, pagtatanghal ng mga Dabawenyo na nagwawagi sa mga prestihiyosong kompetisyon, mula sa loob at labas ng Pilipinas; Obra Dabaw, pagpapakita ng iba’t-ibang obra ng mga visual artist na nakabase o lumaki sa Dabaw; Istilo Dabaw, pagtatanghal ng mga fashion design na gawa ng mga award-winning na Dabawenyo upang i-promote ang lokal na tradisyon at kultura; at iba pa.
Bukod dito, idinaos din ang isang kompetisyon ng sayaw, sa saliw ng "Dabaw Dabawenyo" – opisyal na theme song ng Ika-84 na Araw ng Dabaw, sa pamamagitan ng Tik Tok, social media app na mula sa Tsina.
Para sa madaling panonood, narito ang link:
Hinimok din niya ang lahat na ipagdiwang ang araw na ito habang isinasapuso ang lahat ng frontliner na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19, lahat ng binawian ng buhay dahil sa pandemiya, at lahat ng Dabawenyong sumusunod sa alituntunin upang maisigurado ang kaligtasan ng lahat.
Sa kabilang dako, ang Lunsod ng Jinjiang, lalawigang Fujian; at Lunsod ng Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina ay mga kapatid na lunsod o sister city ng Dabaw.
Sa liham ng pagbati na ipinadala ng Jinjiang, sinabi nitong bagamat hindi pisikal na nakarating ang mga opisyal ng Jinjiang sa Dabaw dahil sa pandemiya ng COVID-19, ang pagkakaibigan ng dalawang lunsod at kanilang mga mamamayan ay nananatiling matibay.
Saad pa ng liham, ang Jinjiang ay kabalikat ng Dabaw sa pagsusulong ng mas malawak pang kooperasyon upang mai-promote ang ekonomiya at pag-unlad ng lipunan sa kapuwa lunsod.
Samantala, sa kanya namang video message, sinabi ni Peng Jian, Direktor ng Nanning Foreign Affairs Office ng Tsina, na ang Nanning at Dabaw ay magkapatid, at nitong nakalipas na mga taon, nakita ang napakalaking pag-unlad sa ekonomiya at lipunan ng Dabaw.
Nakahanda aniya ang Nanning na patuloy na makipagtulungan sa Dabaw tungo sa landas ng mas malawak na pag-unlad.
Ipinahayag din ni Peng ang hangarin ng mga mamamayan ng Nanning tungo sa mas masagana at matatag na kabuhayan ng mga mamamayan ng Dabaw.
May pandemiya man, hindi napigilan ang makukulay at masasayang selebrasyon para sa Ika-84 na Araw ng Dabaw.
At dahil ang lahat ng programa ay nasa online na plataporma, puwede rin ninyong mapanood ang mga ito.
Narito ang opisyal Facebook page ng Lunsod ng Dabaw, kung saan mapapanood ninyo ang lahat ng mga pagtatanghal na nabanggit: https://www.facebook.com/Arawngdabawofficial/
Upang mas madaling makita ang seremonya ng pagbubukas, narito ang hiwalay na link:
Narito ang mensaheng pambati mula sa Jinjiang:
Narito naman ang pagbati mula sa Nanning:
Kaya, ano pa ang hinihintay ninyo?
Tara na! I-click na ang mga link na nakalagay sa itaas, at panoorin ang mga inihanda ng Dabaw at ni Mayor Inday Sara para sa ating lahat!
At siyempre, huwag ninyong kalimutang mag-iwan ng komento o palagay tungkol sa inyong mga napanood.
Kung mayroon po kayong anumang gustong malaman hinggil sa naturang dalawang siyudad ng Tsina, pakisabi po sa amin.
Enjoy sa panonood!
Artikulo: Rhio Zablan
Edit: Jade/Rhio
Source: Rhio/Jade
Web-edit: Jade/Sarah
Photo credit: Davao city official website