Isiniwalat kamakailan ng komander ng tropang Amerikano sa Afghanistan na sinimulan na ang pag-urong ng Amerika at North Atlantic Treaty Organization (NATO) ng kani-kanilang tropa sa maraming base sa Afghanistan. Ayon sa plano, matatapos ang pag-urong ng mga tropa bago ang Setyembre 11. Ito ay nangangahulugan ng pagtatapos ng 20-taong digmaan.
Noong nagdaang 20 taon, sa katwiran ng paglaban sa terorismo, inilunsad ng Amerika ang digmaan sa Afghanistan, bagay na nagbunsod ng kagulat-gulat na makataong trahedya.
Ayon sa datos ng proyektong “Costs of War” na inilunsad ng Boston University ng Amerika, sapul noong 2001, halos 241,000 katao na kinabibilangan ng mahigit 71,000 sibilyan ang nasawi sa digmaan sa Afghanistan.
Ipinakikita naman ng datos ng Asian Development Bank (ADB) na namumuhay sa ibaba ng pandaigdigang pamantayan ng kahirapan ang 54.5% populasyon ng Afghanistan, at wala pa sa 2 dolyares ang pang-araw-araw na kita ng 40.1% working-age population.
Noong unang dako ng taong ito, inamin ng Council on Foreign Relations ng Amerika na sa kasalukuyan, nasa pinakamalakas ngayon ang pwersa ng Taliban, sapul nang ilunsad ang digmaan sa Afghanistan noong 2001.
Nitong nakalipas na 20 taon, mahigit 2 trilyong dolyares ang laang-gugulin sa nasabing digmaan, at mahigit 2,400 sundalong Amerikano ang nagsakripisyo ng sarilling buhay.
Ang ganitong malungkot na resulta ay masamang bunga ng panggugulo at pakikialam ng Amerika sa ibang bansa.
Ang digmaan sa Afghanistan ay isa lang halimbawa ng interbensyonismo ng Amerika. Sa ngalan ng umano’y demokrasya at karapatang pantao, nakikialam ang Amerika sa mga suliranin ng ibang bansa, at lumikha ng mga makataong trahedya. Nagsilbi itong pinakamalaking tagalikha ng kagulugan sa daigdig.
Salin: Vera
Pulido: Mac