Ang lander na nagdala ng unang Mars rover ng Tsina ay matagumpay na lumapag sa naturang pulang planeta, ngayong umaga, May 15, 2021.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataong lumapag sa isang planeta bukod sa Mundo ang probe ng Tsina.
Ang Tianwen-1 probe na binubuo ng isang orbiter, isang lander, at isang rover, ay inilunsad ng Tsina noong Hulyo 23, 2020.
Pagkaraan ng halos 7-buwang paglipad sa kalawakan, pumasok noong nagdaang Pebrero ang naturang spacecraft sa orbita ng Mars, at nanatili roon sa loob ng mahigit 2 buwan, para hanapin ang angkop na lugar at hintayin ang angkop na panahon, upang lumapag sa Mars.
Sinimulan alas-4 kaninang madaling araw ang buong proseso ng paglapag. Humiwalay ang lander at rover mula sa orbiter, at pagkaraan ng halos 3 oras na paglipad, pumasok ang mga ito sa atmospera ng Mars.
Ayon kay Geng Yan, opisyal mula sa Lunar Exploration and Space Program Center ng China National Space Administration, napakakumplikado ng proseso ng pagpasok at paglipad ng spacecraft sa atmospera ng Mars, at paglapag nito sa ibabaw ng planeta, na tumagal ng siyam na minuto. Dahil aniya wala sa Mundo ang pag-kontrol, kailangan itong isagawa mismo ng spacecraft.
"May isang pagkakataon lamang ang bawat hakbang, at mahigpit na ini-ugnay ang mga kilos. Kung may anumang pagkamali, magiging bigo ang paglapag," dagdag ni Geng.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos