Sa pamumuno nina Wu Jianghao, Asistanteng Ministrong Panlabas ng Tsina, at Elizabeth P. Buensuceso, Pangalawang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, idinaos kahapon, Mayo 21, 2021, sa pamamagitan ng video link, ang ika-6 na pulong ng Bilateral Consultation Mechanism (BCM) ng dalawang bansa tungkol sa isyu ng South China Sea.
Sinabi ni Wu, na nitong ilang taong nakalipas, sa magkasamang patnubay nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Rodrigo Duterte, malusog at matatag ang pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.
Pinapalalim din aniya ng dalawang bansa ang pagtitiwalaang pulitikal, pinapalawak ang kooperasyon, at ibinibigay ang mga aktuwal na benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Binigyang-diin din ni Wu, na dapat buong higpit na sundin at komprehensibong ipatupad ng dalawang panig ang mga komong palagay na narating ng mga lider na Tsino at Pilipino tungkol sa mga isyung pandagat, para pangalagaan ang mapagkaibigang relasyon ng dalawang bansa at kapayapaa’t katatagan ng South China Sea.
Ipinahayag naman ni Buensuceso, na ang BCM ay mahalagang hakbangin ng pagpapatupad ng mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, at regular ding mekanismo kung saan isinasagawa ng dalawang panig ang tapat at praktikal na pagpapalitan tungkol sa mga isyung pandagat.
Dagdag niya, dapat isagawa ng dalawang panig ang usapan at pagpapalitan batay sa diwa ng pagkakaibigan at paggagalangan, at pasulungin ang mga aktuwal na aksyon ng pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Binigyan ng kapwa panig ng positibong pagtasa ang patuloy na pagsasagawa ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations ng pagsasanggunian tungkol sa Code of Conduct sa South China Sea sa panahon ng pandemiya. Ibinahagi nila ang paninindigan sa mga isyung pinahahalagahan ng kapwa panig. Tinalakay din nila ang kooperasyon sa mga aspekto ng suliraning pandagat, langis at natural gas, pangingisda, pangangalaga sa kapaligiran, pagliligtas sa dagat, pananaliksik sa dagat, at iba pa.
Lumahok din sa pulong ang mga kinatawan mula sa mga departamento ng suliraning panlabas, tanggulang bansa, likas na yaman, ekolohiya at kapaligiran, transportasyon at komunikasyon, agrikultura, enerhiya, at coast guard ng Tsina at Pilipinas.
Sa sidelines, idinaos din ang mga pulong ng tatlong working group sa ilalim ng BCM tungkol sa mga suliraning pampulitika at panseguridad, suliranin ng pangingisda, at pananaliksik at pangangalaga sa kapaligiran sa dagat.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos