Rodrigo Duterte, pinangunahan ang pagdiriwang ng Ika-123 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas: serbisyo sa kapuwa ng mga bayani kontra COVID-19, dapat sundan

2021-06-12 15:09:18  CMG
Share with:

Rodrigo Duterte, pinangunahan ang pagdiriwang ng Ika-123 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas: serbisyo sa kapuwa ng mga bayani kontra COVID-19, dapat sundan_fororder_微信截图_20210612151836

 

Sa ilalim ng temang “Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan,” pinangunahan ngayong araw, Hunyo 12, 2021 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagdiriwang para sa Ika-123 Anibersaryo ng Deklarasyon ng Kasarinlan ng Pilipinas.

 

Sa kanyang isinahimpapawid na mensahe matapos ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose P. Rizal sa Luneta, sinabi ni Duterte na kaisa siya ng buong sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng mahalagang araw na ito.

Rodrigo Duterte, pinangunahan ang pagdiriwang ng Ika-123 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas: serbisyo sa kapuwa ng mga bayani kontra COVID-19, dapat sundan_fororder_微信截图_20210612160058

 

Saad niya, ang mga hamon ng nakaraang taon ay nagsilbing pagsubok sa karakter ng mga Pilipino bilang isang bansa.

 

Pero, dahil sa determinasyon ng bawat Pilipino upang labanan ang pandemiya Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng mas nakararami, ang Pilipino ay karapat-dapat na tawaging bayani, tulad ng mga naunang nag-alay ng buhay para sa Inangbayan, mahigit isandaang taon na ang nakakalipas.

 

Ani Duterte, ang mga ito ay mga kahanga-hangang halimbawa na magsisilbing inspirasyon para sa lahat ng Pilipino upang magpursige tungo sa mas maliwanag na kinabukasan na puno ng pag-asa.

 

Umaasa ang punong ehekutibo na ang apoy ng pagmamahal sa bayan na ipinakita ng mga naunang bayani at mga bagong bayani ay patuloy na magniningas sa puso ng lahat  ng Pilipino.

 

Manggagawang medikal ng Pilipinas, pinakamahusay na embahador

 

Sa kanyang hiwalay na mesahe, sinabi ni Teodoro L. Locsin Jr., Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas (DFA), na dahil kaka-umpisa pa lamang ng paghihilom ng Pilipinas mula sa pandemiya ng COVID-19, ang mga pagdiriwang ngayong taon ay hindi kasinringal tulad noong dati.

 

Pero, ito rin aniya ang dahilan kung bakit ang temang “Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan” ay akmang-akma sa situwasyon.  

 

Ipinagmalaki ng kalihim na kamakailan lamang ay nalampasan na ng Pilipinas ang 1 milyong marka para sa mga taong nabigyan ng kumpletong bakuna kontra COVID-19.

 

Optimistiko aniya ang Pilipinas, na kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga nababakunahan, mas magiging mababa ang bilang ng mga nahahawa at kasuwalti.

 

Bukod diyan, sinabi ni Locsin na napakahalaga ang kontribusyon ng mga Pilipino sa paglaban ng mundo sa COVID-19 tulad ng mga tripulante ng mga barkong gumaganap ng sentral na papel sa lohistika, negosyo at komersyo, at ang mga manggagawang Pilipinong nagpapatakbo sa mga kritikal na impraestruktura ng maraming bansa sa daigdig.

 

“Pinapupurihan ko ang mga Pilipinong frontliner sa ibang bansa sa kanilang pagtupad sa tungkulin, pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng mas nakararami at marahang pagkalinga sa gitna ng delikadong panahon,” saad ng kalihim.

 

Binigyang-diin niyang ang mga medikal na manggagawang Pilipino ang mga pinakamahusay at magaling na embahador ng mabuting kalooban, at kahit ang mga diplomata ay hindi maaaring ikumpara sa kanila.

 

Sa kabilang dako, ibinantayog naman ni Jose Santiago L. Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina ang sakripisyo ng mga Pilipinong lumaban para sa kalayaan, dignidad at mabuting hinaharap ng sambayanang Pilipino.

 

Ang diwa ng pambansang pagkakaisa na kanilang ipinakita ay nagsisilbi aniyang malakas na motibasyon, lalo na ngayong panahon ng pandemiya.  

 

“Nakikita natin ito sa serbisyong hatid ng maraming medikal na manggagawang Pilipino na nasa frontline,” saad ng embahador.

 

Sinabi niyang bukod sa mga manggagawang medikal, mahalagang papel din ang ginagampanan ng mga  pulis at militar, na nagpapatupad ng mga alituntuning pangkalusugan; ang mga guro at magulang, na sumisiguro sa edukasyon ng mga kabataan; at iba pang esensiyal na manggagawa.

 

“Walang kakulangan sa mga Pilipinong nag-aalay sa moral na sakripisyong ito – sakripisyo para sa iba, na karapat-dapat sa ating papuri at paghanga,” ani Sta. Romana.

 

Aniya, ang kasaysayan, pagkakakilanlan, at paniniwala para sa hinaharap ay ang nagbibigkis sa mga Pilipino bilang tagapagmana na di-madaling nakamtang kalayaan – kalayaang patuloy na tinatamasa, at kalayaang dapat patuloy na pangalagaan.

 

Kaugnay nito, sinambit ng embahador ang isang linya mula sa nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose P. Rizal: aniya, “Kung walang liwanag, walang landas; kung walang kalayaan, walang liwanag.”

 

Artikulo: Rhio Zablan

Content-edit: Jade 

Web-edit: Jade 

Photo credit: PTV, RTVM

 

Please select the login method