Relasyong Sino-Pilipino, patuloy na isusulong: Wang Yi at Teddy Locsin Jr., nag-usap

2021-06-08 10:50:21  CMG
Share with:

Relasyong Sino-Pilipino, patuloy na isusulong: Wang Yi at Teddy Locsin Jr., nag-usap_fororder_20210608WangYiLocsin400

Chongqing, Tsina — Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Lunes, Hunyo 7, 2021 kay Teodoro Locsin Jr., Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ang paghanga sa ibinibigay na positibong ambag at mahalagang kontribusyon ng Pilipinas bilang bansang tagapagkoordina sa relasyong Sino-ASEAN, sa pagpapasulong ng komprehensibong pag-unlad ng nasabing relasyon.

Ani Wang, dahil sa estratehikong pamumuno nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas, napawi ng relasyong Sino-Pilipino ang kahirapan at napapanatili ang tunguhin ng matatag na pag-unlad.

Batay sa pangangailangan ng panig Pilipino, nakahanda aniya itong patuloy na magkaloob ng suportang materyal at bakuna sa Pilipinas para sa pagtatagumpay ng bansa kontra  pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), sa lalong madaling panahon.

Inamin din ni Wang na kinakaharap ng pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino ang ilang kahirapan at hamon.

Aniya, base sa mga pananalita at kilos ng mga nagbabalak na sirain at dungisan ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang panig, dapat palakasin ng Tsina at Pilipinas ang determinasyon tungo sa pagtatamo ng mas marami pang bunga at paghahatid ng mas maraming kapakanan sa mga mamamayan ng dalawang bansa.

Dagdag pa ni Wang, walang anumang kondisyong pulitikal ang pakikipagkooperasyon ng Tsina sa Pilipinas, at hindi wala ring anumang umano’y “patibong.”

Iginigiit ng kapuwa panig ang win-win na resulta, at pilit-hinahanap ang komong kaunlaran, ani Wang.

Pinapurihan naman ni Locsin ang natamong bunga ng panig Tsino sa paglaban sa pandemiya.

Pinasalamatan din niya ang ibinibigay na suporta ng panig Tsino sa Pilipinas sa pakikibaka laban sa pandemiya.

Ipinahayag ni Locsin na ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking trade partner ng Pilipinas, at umaasa siyang ibayo pang mapapalalim ng kapuwa panig ang pagdadalawan sa mataas na antas, at mapapabilis ang pagpapasulong ng kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, at imprastruktura para walang humpay na mapasigla ang pag-unlad ng relasyon ng Pilipinas at Tsina.

Bilang bansang tagapagkoordina sa relasyong ASEAN-Sino, kinakatigan aniya ng Pilipinas ang pagpapataas ng relasyon ng kapuwa panig sa komprehensibo’t estratehikong partnership.

Positibo aniyang magsisikap ang Pilipinas at Tsina para rito.

Diin ni Locsin, hindi umiiral ang umano’y “patibong” sa kooperasyong Pilipino-Sino.

Aniya pa, lagi’t laging hinahanap ng Tsina ang pagpapasulong ng komong kaunlaran ng iba’t-ibang bansa sa pamamagitan ng sariling pag-unlad.

Pero, inamin niyang umiiral ang ilang pagkakaiba ng dalawang bansa sa isyu ng South China Sea, ngunit hindi nito dapat ma-apektuhan ang mapagkaibigang relasyon at pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t-ibang larangan.

Nakahanda ang panig Pilipino na panatilihin ang pakikipagsanggunian sa panig Tsino sa mas mapagkaibigan at mabisang paraang diplomatiko, ani Locsin.

Samantala, malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang kapuwa panig tungkol sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa mahalaga sa dalawang bansa.


Salin: Lito
Pulido: Rhio

Please select the login method