Dumating ngayong umaga, Hunyo 28, 2021, sa Ninoy Aquino International Airport ang karagdagang 1 milyong dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na gawa ng Sinovac ng Tsina.
Sa pamamagitan nito, umabot na sa 12 milyon ang kabuuang bilang ng bakuna ng Sinovac sa Pilipinas.
Sinalubong nina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., at Department of Health Secretary Francisco Duque III, ang naturang pangkat ng mga bakuna.
Ayon kay Kalihim Duque, ang pinakahuling pangkat ng bakuna ay ipamimigay, pangunahin na, sa ilang lugar na may lumalaking bilang ng mga kaso ng COVID-19, na gaya ng Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.
Samantala, bilang tugon sa pagkabahala sa epektibidad ng bakuna ng Sinovac laban sa mga COVID-19 variant, sinabi naman ni Kalihim Galvez, na walang klinikal na data ang nagpapakitang hindi epektibo ang Sinovac laban sa mga variant.
Mahalaga aniya ang ibinibigay na proteksyon ng bakunang ito upang makaiwas ang mga tao sa kamatayan at malubhang pagkakasakit, at ito ay may efficacy rate na umaabot sa 94 hanggang 95 porsyento.
Dagdag ni Galvez, kung ihahambing sa ibang mga tagagawa ng bakuna, laging napapanahon ang paghahatid ng Sinovac, at sa katunayan, pinabibilis pa nito ang paghahatid.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan
Photo courtesy: PNA