Sa interactive dialogue ng Ika-47 Sesyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Special Rapporteur on the Rights to Freedom of Peaceful Assembly and of Association nitong Huwebes, Hulyo 1, 2021, tinukoy ng kinatawang Tsino na laging iginigiit ng mga bansang kanluraning gaya ng Amerika ang double standard.
Saad niya, may mahigit 20 lehislasyon hinggil sa pambansang seguridad ang Amerika, pero sa kabila nito, isinusulong ng Amerika na ang Batas sa Pambansang Seguridad ng Hong Kong ay nakakapinsala sa awtonomiya ng Hong Kong.
Aniya, tinawag ni Nancy Pelosi ang marahas na insidente sa Hong Kong bilang “a beautiful sight to behold,” pero sinabi niyang ang pagsugod ng mga demonstrator sa Capitol Hill ay “paninira sa demokrasya.”
Tinanong din ng kinatawang Tsino na bakit walang batas na nangangalaga sa mga minoryang lahi at nagpapawi sa pagtatanging panlahi sa Amerika, habang pinakiki-alamanan ng pamahalaang Amerikano ang lehislasyon ng ibang bansa? Bakit hindi nireresolba ng pamahalaang Amerikano ang mga umiiral na problema sa loob ng sariling bansa, habang abalang-abala itong nakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa?
Ang lahat ng mga ito ay lubos na nagbubunyag ng double standard at mapagkunwaring pagkamatuwid ng Amerika, dagdag ng kinatawang Tsino.
Salin: Vera
Pulido: Rhio