Napakairesponsable ng pahayag ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos hinggil sa South China Sea (SCS), dahil layon nitong gatungan ang alitan hinggil sa soberanyang panteritoryo at karapata’t kapakanang pandagat, maghasik ng di-pagkakasundo sa mga bansa sa rehiyon, at makapinsala sa kapayapaan at katatagan ng karagatan.
Ito ang winika ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon nitong Lunes, Hulyo 12, 2021.
Sa kanyang pahayag na inilabas nitong Linggo, Hulyo 11, sinabi ni Blinken na ang Tsina ay patuloy na “namimilit at nananakot sa mga bansa ng Timog-silangang Asya sa paligid ng karagatan at nagbabanta sa kalayaan ng nabigasyon” sa South China Sea.
Diin ni Zhao, ilegal at imbalido ang di-umano’y arbitrasyon hinggil sa SCS limang taon na ang nakaraan, dahil labag ito sa prinsipyo ng “consent of the nation,” alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at pandaigdig na batas, kaya hindi ito tinatanggap o kinikilala ng Tsina.
Dagdag pa ng tagapagsalitang Tsino, bilang founding signatory country ng UNCLOS, laging pinangangalagaan ng Tsina ang kapangyarihan at integridad nito sa pamamagitan ng mga konkretong aksyon. Nanawagan din siya sa Amerika na sumapi muna sa naturang kombensyon bago gamitin ito sa pag-akusa sa iba.
Pinuna rin ni Zhao ang Amerika sa pagbalewala sa magkakasamang pagsisikap at mga natamong bunga ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para tugunan ang pagkakaiba at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Komprehensibo’t epektibong tinutupad ng Tsina at mga bansa ng ASEAN ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at walang patid na pinapasulong ang pagbuo ng Code of Conduct in the South China Sea (COC), sa pamamagitan ng konsultasyon, saad ni Zhao.
Mga opisyal mula sa Tsina at mga bansa ng ASEAN sa Ika-19 na Senior Officials' Meeting on the Implementation of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea sa Chongqing, Tsina, Hunyo 7, 2021. (Xinhua)
Ani rin ni Zhao, pinilipit din ni Blinken ang pandaigdig na batas at pinawalang-saysay ang mga historikal at obdyektibong katotohanan hinggil sa SCS. Tumalikod din si Blinken ani Zhao sa matagal na pangako ng Amerika na walang papanigan sa mga isyung pansoberanya sa SCS.
Hinimok ng tagapagsalitang Tsino si Blinken na itigil ang panggugulo at igalang ang soberanya, karapatan at interes ng Tsina sa SCS.
Salin: Jade
Pulido:Mac