Inihayag Huwebes, Hulyo 22, 2021 ni Zeng Yixin, Pangalawang Direktor ng Pambansang Komisyon ng Kalusugan ng Tsina, na hinding hindi tatanggapin ng bansa ang plano ng paghahanap sa pinanggalingan ng coronavirus na walang paggalang sa komong kamalayan at taliwas sa siyensiya.
Noong isang linggo, iniharap ng World Health Organization (WHO) ang plano sa second-phase virus tracing na nakatuon sa Tsina.
Ang imbestigasyon sa sea food market ng Wuhan, at pag-audit sa mga instituto ng pananaliksik na gaya ng Wuhan Institute of Virology (WIV) ay inilakip sa nasabing plano.
Kaugnay nito, sinabi ni Zeng na ginawang pokus ng nasabing plano ang pananaliksik sa teoryang “lumabas ang virus mula sa laboratoryo, dahil sa paglabag ng Tsina sa alituntunin ng laboratoryo,” bagay na nagpapakita ng kawalang paggalang sa komong kamalayan at mapangyurak na pakikitungo sa siyensiya.
Dagdag niya, ang origin-tracing ng coronavirus ay isang siyentipikong isyu.
Palagiang kinakatigan aniya ng Tsina ang pagsasagawa ng gawaing ito, batay sa siyentipikong paraan, at buong tatag na tinututulan ang pagsasapulitika ng nasabing gawain.
Salin: Vera
Pulido: Rhio