Kamakailan, ang Pegasus spyware ay nakatawag ng malawakang pansin ng komunidad ng daigdig. Ayon sa ulat, ang naturang spyware ay ginagamit para imonitor ang cellphone ng mga mataas na opisyal, personaheng pulitikal at komersyal, at mga mamamahayag ng maraming bansa.
Kaugnay nito, sinabi nitong Huwebes, Hulyo 22, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na kung totoo ang naturang ulat, mariing kinokondena ito ng panig Tsino.
Tinukoy ni Zhao na ang karamihan ng mga cyber attack sa buong daigdig ay galing sa Amerika, at hindi sikreto ito.
Aniya, paulit-ulit na inihayag ng pamahalaang Amerikano ang pangangalaga sa cyber security, pero nananatiling tikom ang bibig nito sa usapin ng Pegasus spyware. Sa halip, niluto nito ang kasinungalingan at paninirang-puri sa Tsina sa isyu ng cyber security, bagay na nagpapakita ng makasalanang budhi ng Amerika.
Dagdag niya, ang mga banta sa cyber security na gaya ng eavesdropping ay komong hamong kinakaharap ng iba’t ibang bansa. Batay sa paggagalangan, pagkakapantay-pantay at mutuwal na kapakinabangan, dapat magkakapit-bisig na harapin ng mga bansa ang ganitong hamon, sa pamamagitan ng diyalogo at kooperasyon.
Salin: Vera
Pulido: Mac