Ayon sa kakalabas lamang na online poll na isinagawa ng Think Tank ng China Global Television Network (CGTN), 80% ng mga kasaling netizen sa buong mundo ang may palagay na naisapulitika ang isyu ng paghahanap ng pinagmulan ng coronavirus.
Kaugnay nito, tinukoy nitong Miyerkules, Hulyo 28, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa pamamagitan ng magkakaibang lengguwahe, inihayag ng mga netizen ang komong pananaw na hindi nalutas ng imbestigasyon sa pinagmulan ng coronavirus ang isyu ng pagkontrol sa pandemiya, at ito ay di pinag-isipan at di kapaki-pakinabang na estratehiyang pulitikal para pagtakpan ang tangka ng Amerika na sugpuin ang pag-ahon ng Tsina.
Saad ni Zhao, upang ibaling ang sariling pananagutan, kaugnay ng di-mabisang pagkontrol sa pandemiya, at marating ang layuning pulitikal na siraang-puri at sikilin ang ibang bansa, isinapulitika ng Amerika ang ang pandemiya at isinulong ang istigmatisasyon ng virus, sa pamamagitan ng origin-tracing, bagay na malubhang nakapinsala sa pangkalahatang kalagayan ng siyentipikong paghahanap sa pinanggalingan ng virus at pandaigdigang pagsisigasig laban sa pandemiya.
Diin niya, ang panlilinlang na pulitikal ng Amerika sa katwiran ng origin-tracing ay unibersal na tinututulan ng komunidad ng daigdig.
Salin: Vera
Pulido: Rhio