Ayon sa Report on the Global Use of COVID-19 Vaccines na inilabas kahapon, Hulyo 29, 2021, ng Boao Forum for Asia (BFA), umiiral ang napakalaking agwat sa pagbabakuna laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa pagitan ng mga maunlad at umuunlad na bansa. Dapat anitong palakasin ang pandaigdigang koordinasyon, para igarantiya ang pantay-pantay na pamamahagi ng mga bakuna.
Tinukoy ng ulat, na ayon sa kalkulasyon ng World Health Organization, kinakailangan ang 11 bilyong dosis ng bakuna, para isakatuparan ang target ng inokulasyon ng 70% ng populasyon ng daigdig. Samantala anito, may pag-asang makakaabot sa bilang na ito ang kabuuang kapasidad sa paggawa ng bakuna sa daigdig bago magtapos ang 2021. Pero, ang problema ay kung pantay-pantay na ipapamahagi o hindi ang mga bakuna sa buong daigdig, diin ng ulat.
Ayon sa estadistikang sinipi ng ulat, hanggang noong Hulyo 20, tinurukan ng di-kukulangin sa isang dosis ng bakuna ang 26.5% na populasyon sa daigdig. Sa kabuuan, nangunguna sa rate of vaccination ang mga bansang kanluranin. Samantala, hindi pa nababakunahan ang 99% ng mga tao sa mga bansang mababa ang kita.
Sinabi ng ulat, na inilalaan ng Amerika ang malaking bilang ng mga bakuna sa loob ng bansa. Kasabay nito, napakalaki ng agwat sa pagitan ng bilang ng mga bakuna na ipinagkaloob ng Amerika sa ibang mga bansa at bilang na kaya nitong ipagkaloob. Samantala, ipinagkaloob naman ng Unyong Europeo ang mga bakuna, pangunahin na, sa mga bansang may katamtaman o mataas na kita.
Dagdag ng ulat, ang bilang ng mga bakunang ipinagkaloob ng Tsina sa mga bansang dayuhan ay mas malaki kaysa kabuuang bilang ng kaloob na bakuna ng mga iba pang bansa. At ang mga bakunang Tsino ay pangunahin na ipinadala sa mga umuunlad na bansa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos