Sa kanyang may-lagdang artikulong inilabas kahapon, Agosto 4, 2021, tinukoy ni Kung Phoak, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na dapat isagawa ang pag-aaral sa pinagmulan ng coronavirus, sa pamamagitan ng pandaigdigang kooperasyon at batay sa siyensiya at katotohanan.
Aniya, ang pagsasapulitika sa naturang gawain ay salungat sa tumpak na layunin ng pagliligtas ng buhay.
Binigyang-diin din ni Kung Phoak, na ang pagtitiwalaan at pagtutulungan ay mahalaga para sa pagharap sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Positibo siya sa tuluy-tuloy at mahigpit na pakikipagkooperasyon ng Tsina sa iba't ibang bansa at mga organisasyong pandaigdig sa pagharap sa pandemiya.
Dagdag niya, batay sa resulta ng pag-aaral sa pinagmulan ng coronavirus na isinagawa noong unang dako ng taong ito ng World Health Organization at mga pandaigdigang eksperto, may katamtaman hanggang malaking posibilidad, na ang pagkalat ng coronavirus ay mula sa mga hayop, at kumalat ito sa mga tao, sa pamamagitan ng mga intermediary host.
Napakaliit aniya ng posibilidad na kumalat ang virus mula sa laboratoryo.
Ang siyentipikong konklusyong ito ay dapat igalang, diin ni Kung Phoak.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan