Pinabulaanan kahapon, Agosto 13, 2021, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang maling pananalita ng Amerika at Unyong Europeo (EU) tungkol sa patakarang "Isang Tsina."
Ipinasiya kamakailan ng Tsina, na pabalikin sa bansa ang embahador sa Lithuania, dahil pinayagan ng bansang ito ang pagtatayo ng "representative office", sa ngalan ng "Taiwan."
Pagkaraan nito, ipinahayag ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, na may kalayaan ang lahat ng mga bansa na itakda ang sariling balangkas ng patakarang "Isang Tsina." Sinabi naman ng European Union External Action, na ang pagpayag ng isang kasaping bansa ng EU sa pagtatayo ng "representative office" ng "Taiwan" ay hindi lumalabag sa patakarang "Isang Tsina."
Bilang tugon, binigyang-diin ni Hua, na malinaw ang prinsipyong "Isang Tsina," alalaong baga'y iisang Tsina sa daigdig, ang Taiwan ay di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina, at Republika ng Bayan ng Tsina ay siyang tanging lehitimong pamahalaang kumakatawan sa buong Tsina.
Dagdag ni Hua, kung isasagawa ang patakarang "Isang Tsina," dapat buong higpit na sundin ang prinsipyong "Isang Tsina," at putulin ang lahat ng opisyal na pakikipagpalagayan sa awtoridad ng Taiwan.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos