Sinabi kahapon, Agosto 20, 2021, ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na dapat pagpasiyahan ng mga mamamayan ng Afghanistan ang kinabukasan ng bansang ito, at ang kanilang pagpili ay dapat igalang ng lahat ng mga panig.
Dagdag niya, kailangang gampanan ng komunidad ng daigdig ang karapat-dapat na papel sa paglutas ng isyu ng Afghanistan.
Winika ito ni Wang sa pakikipag-usap sa telepono kay Ministrong Panlabas Luigi Di Maio ng Italya.
Sinabi niyang, positibo ang tugon ng Taliban sa mga pagkabahala ng komunidad ng daigdig hinggil sa tatahaking direksyon sa hinaharap ng Afghanistan, na gaya ng sistemang pulitikal, mga patakarang panloob at panlabas, pagputol ng ugnayan sa mga organisasyong terorista, at iba pa. Kailangan aniyang subaybayan ang mga aksyon nito.
Binigyang-diin din ni Wang, na muling pinatutunayan ng nakaraan at kasalukuyang kalagayan ng Afghanistan, na mahirap na isakatuparan ang sapilitang pagpataw ng isang bansa ng sariling mga paninindigan o values sa ibang mga bansa at sibilisasyon.
Ipinahayag naman ni Di Maio ang pagsang-ayon ng Italya sa mga kuro-kuro ng Tsina sa kalagayan ng Afghanistan.
Dagdag niya, dapat magkakasamang magsikap ang komunidad ng daigdig, upang ang Afghanistan ay hindi muling maging pugad ng terorismo.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos