Pangangasiwa't pagtutulungang pandagat sa SCS, isinusulong ng mga think tank ng Tsina't Pilipinas

2021-09-01 16:54:42  CMG
Share with:

 

Sa pamamagitan ng video link, idinaos nitong Sabado, Agosto 28, 2021 ang Kauna-unahang Diyalogo ng Think Tank ng Pilipinas at Tsina hinggil sa Pangangasiwa at Pagtutulungang Pandagat sa South China Sea.  

 

Kabilang sa mga pangunahing paksang natalakay ay kasalukuyang relasyong Sino-Pilipino at kalagayan ng South China Sea; at pagtutulungang Sino-Pilipino sa naturang karagatan sa larangan ng pangangasiwa sa pangingisda, paggagalugad ng langis at natural gas, pananaliksik at pangangalaga sa kapaligirang pandagat, pagpapatupad ng batas at pangangasiwa sa panganib; at prospek ng pangangasiwa at pagtutulungang pandagat.

 

Sa pangungulo nina Rommel Banlaoi, Presidente ng Philippine Association for Chinese Studies (PACS), at Wu Shicun, Presidente ng National Institute for South China Sea Studies (NISCSS) ng Tsina, mahigit 20 kinatawan mula sa mga think tank, pamantasan at pamahalaan ng dalawang bansa ang nagtalumpati.

 

Sa kanyang paglalahad, sinabi ni Banlaoi na kabilang sa binansagang Track Two Diplomacy ang katatapos na diyalogo.

 

Bilang inobatibong hakbang, ang Track Two Diplomacy aniya ay humihikayat sa di-opisyal at di-pampamahalaang proseso para tugunan ang mga problemang opisyal.

 

Maaari nitong tulungan ang mga pamamaraang opisyal para malutas ang mga problema sa loob ng isang bansa, maging ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga bansa, paliwanag pa ni Banlaoi.

 

Diin niya, sa panahon makaraan ang pandemiya (post-pandemic) at pagkaraan ng panunungkulan ni Duterte (post-Duterte), mahaharap pa rin ng Pilipinas at Tsina sa mga hamong dulot ng pagkakaiba sa South China Sea.

 

Kahit ang isyu ng South China Sea ay nagsisilbing pangunahing usapin kung saan may pulitikal na pagkakaiba, hindi ito isang di-mapagkakasunduang pagkakaiba, at sa halip, maaari itong mapangasiwaan, saad ni Banlaoi.  

 

Palagay niya, ang pagsasagawa ng pungsyonal na kooperasyon o functional cooperation hinggil sa South China Sea ay magpapasulong ng relasyong Pilipino-Sino.

 

Nakasaad sa Declaration on the Conduct (DOC) of Parties in the South China Sea na nilagdaan ng Tsina at mga miyembro ng Association for Southeast Asian Nations (ASEAN) noong 2002 ang naturang mga kooperasyon, dagdag pa ni Banlaoi.

 

Kasama rito ang pangangalaga sa kapaligirang pandagat, siyentipikong pananaliksik sa karagatan, kaligtasan ng nabigasyon at komunikasyon sa karagatan, gawain ng paghahanap at pagliligtas, at pakikibaka laban sa transnasyonal na krimen na kinabibilangan ng pandaigdig na terorismo.

 

Mungkahi ni Banlaoi, kasabay ng bilateral na pagpapatupad ng Pilipinas at Tsina ng DOC sa pamamagitan ng pagpapalakas ng naturang mga pungsyonal na pagtutulungan, maaari ring ipagpatuloy ng dalawang bansa ang Bilateral Consultative Mechanism (BCM) in the South China Sea para mapanatili ang kasiglahan ng kooperasyon at mai-angat pa ito sa mas mataas na lebel.

 

Aniya pa, ang bilateral na pagpapatupad ng Pilipinas at Tsina sa DOC at pagpapatuloy ng BCM ay maaari ring magpasulong  ng kooperasyon ng Tsina at ASEAN, habang isinasagawa ng mga may kinalamang bansa ang negosasyon hinggil sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea na inaasahang makukumpleto sa 2022. 

 

Samantala, makaraang analisahin ang kasalukuyang situwasyon sa South China Sea, iniharap ni Dr. Wu Shicun ang tatlong mungkahi.

 

Una, kailangang panatilihin ng Tsina’t Pilipinas ang BCM.

 

Ikalawa, kailangang pasulungin ng dalawang bansa ang kooperasyong pandagat, lalo na sa pagpapatupad sa batas na pandagat, at paggagalugad ng langis at gas.

 

Ikatlo, kailangang sundin ng dalawang bansa ang napagkasunduan nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Rodrigo Duterte, na ang pinal na paglutas sa isyu ng South China Sea ay hindi dapat nakabatay sa arbitrasyon.

 

Pangangasiwa’t pagtutulungang pandagat sa SCS, isinusulong ng mga think tank ng Tsina’t Pilipinas_fororder_1630154533711158  scs

 

Kabilang sa iba pang mga nagtalumpati sa diyalogo ang mga representatibo mula sa Asia Pacific Pathways to Progress Foundation Inc. ng Pilipinas, Philippine Coast Guard (PCG), Amity Foundation, Kaisa Para Sa Kaunlaran Inc. (KAISA), Foreign Relations Committee ng Pilipinas, University of Manila, Dela Salle University, University of the Philippines, Peking University, Chinese Academy of Social Sciences, Jinan University, Wuhan University, at iba pa.

 

Bilang panapos, sinabi ni Teresita Ang-See, co-founder ng KAISA, na sang-ayon ang lahat ng kalahok na mainam, kailangang-kailangan, at maaaring matupad ang magkasamang pagpapasulong ng Pilipinas at Tsina sa pagtutulungan sa South China Sea.

 

Ito aniya ay nararapat gawin, kasabay ng pakikibaka laban sa mga pagsubok at kahirapan at pagsasagawa ng mga pundamental na gawain.

 

Dumalo rin sa diyalogo ang mahigit 150 tauhan mula sa akademiya, mga organong pandagat, at diplomata mula sa dalawang bansa.

 

Edit/Salin: Jade

Pulido: Rhio

Please select the login method