Inilabas Biyernes, Setyembre 9, 2021 ng Tanggapan ng Impormasyon ng Konseho ng Estado ng Tsina ang “Plano ng Aksyon sa Karapatang Pantao ng Tsina mula 2021 hanggang 2025.”
Tinukoy ng plano na sapul noong 2009, sunud-sunod na itinakda at ipinatupad ng bansa ang tatlong pambansang plano ng aksyon sa karapatang pantao, tuluy-tuloy na tumaas ang lebel ng pamumuhay ng mga mamamayan, at isinulong ang mas totoong garantiya ng iba’t ibang karapatan.
Samantala, ibayo ring kinumpleto ang mga patakaran, gaya ng batas at hakbangin sa pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga takdang grupo, at pinalakas ang garantiyang pambatas sa karapatang pantao.
Bukod dito, komprehensibong sumali ang Tsina sa pandaigdigang pangangasiwa sa karapatang pantao, at gumawa ng mahalagang ambag para sa pag-unlad ng usapin ng karapatang pantao ng daigdig, ayon pa sa nasabing dokumento.
Itinakda rin ng nasabing plano ang target sa karapatang pantao ng bansa mula 2021 hanggang 2025, sa sumusunod na aspekto:
Una, pasusulungin ang pangkalahatang target ng pag-unlad sa usapin ng karapatang pantao kaugnay ng malaya’t komong kaunlaran ng lahat ng mga mamamayan.
Ika-2, lubos na igagarantiya ang karapatan ng mga mamamayan sa kabuhayan, lipunan at kultura; isasakatuparan ang hangarin ng mga mamamayan sa magandang pamumuhay; at lilikhain ang mas paborableng kondisyong pangkabuhayan, panlipunan at pangkultura para sa komprehensibong pag-unlad ng mga mamamayan.
Ika-3, totohanang igagarantiya ang karapatang sibil at karapatang pulitikal.
Ika-4, igigiit ang paggalang, pagsunod at pangangalaga sa kalikasan, at pasusulungin ang may-harmonyang pakikipamuhayan ng tao at kalikasan.
Ika-5, palalakasin ang pangangalaga sa pagkakapantay-pantay ng karapatan at kapakanan ng mga takdang grupo, pagbibigay sa kanila ng espesyal na tulong, at pagpapasulong ng patas na pagtatamasa ng bunga ng pag-unlad para sa lahat.
Ika-6, malawakang isasagawa ang edukayon, pananaliksik, pagsasanay at pagpapalaganap ng kaalaman sa larangan ng karapatang pantao.
At ika-7, aktibong pakikilahok sa pandaigdigang pangangasiwa sa karapatang pantao; pasusulungin ang pagtatatag ng mas makatarungan, makatwiran at inklusibong pandaigdigang sistema ng pangangasiwa sa karapatang pantao; at magkakasamang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio