Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad

2021-09-14 21:49:58  CMG
Share with:

Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad_fororder_20210914wika5

 

Sa ilalim ng planong "Tourism Response and Recovery," inilunsad Setyembre 14, 2021 ng Kagawaran ng Turismo (DoT) ng Pilipinas ang anim na araw na Online Chinese Language Learning Program.

 

Layon nitong pabutihin ang kakayahan ng mga manggagawang panturismo ng Pilipinas sa pag-unawa at pagsasalita ng Han Yu o pambansang wika ng Tsina.

 

Ito ay bilang paghahanda sa napipintong muling pagtanggap ng Pilipinas sa mga turistang Tsino.

 

Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad_fororder_20210914wika9

 

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Kalihim Bernadette Romulo-Puyat ng DoT, na sa kabila ng mga pagsubok na hatid ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), patuloy na isinusulong ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, ASEAN-China Center (ACC), at Tanggapan ng DoT sa Beijing (DoT-Beijing) ang pagsasanay para sa ika-uunlad ng kakayahan ng mga Pilipinong trabahante sa industriya ng turismo.

 

"Pinahahalagahan natin ang ganitong uri ng inisyatiba, kasabay ng pag-iimplementa ng mga programang panturismo tungo sa pagpapa-unlad ng kakayahan ng ating mga frontliner," aniya.

 

Dagdag ng kalihim, "nitong nakalipas na 20 buwan, isinakatuparan ng DoT ang ibat-ibang online na pagsasanay at seminar upang maihanda ang mga manggagawang panturismo sa napipintong muling pagbubukas ng hanggahan ng Pilipinas para sa negosyo ng pagbibiyahe dahil ito ay nananatiling isa sa pinakamahalagang bahagi ng kapaligirang pang-negosyo ng Pilipinas."

 

Noong 2019, bago manalasa ang pandemiya, ang Tsina aniya ang ikalawang pinakamalaking merkado ng turismo ng Pilipinas, at isa sa pinakamalaking tagapagbigay ng foreign exchange sa pamamagitan ng paggastang panturismo o tourism expenditure, sa halagang $USD2.33 bilyon noong taong iyon.

 

Pero, lahat ay nagbago nang dumating ang COVID-19, saad ni Romulo-Puyat.

 

Walumpu't dalawang (82%) porsiyento aniya ang ibinaba ng merkado ng turismo ng bansa at nagpapatuloy ang ganitong tunguhin.

 

"Magkagayunman, sa kabila ng mga restriksyon sa pagbibiyahe at iba pang pangkalusugang protokol sa mga internasyonal na hanggahan at destinasyong panturismo ng Pilipinas, ang Tsina ay nananatili pa ring kabilang sa tatlong pangunahing merkado ng turismo ng bansa noong katapusan ng 2020," hayag ng kalihim.

 

Hinggil dito, sinabi ni Romulo-Puyat na sa nakalipas na ilang linggo, pinasulong ang inokulasyon ng mga frontliner na panturismo upang maipagsanggalang sila laban sa COVID-19.

 

Kaya naman, kompiyansa ang kalihim na bago matapos ang 2021, posibleng mabakunahan ang lahat ng manggagawang panturismo at dahil dito, muli nilang maibibigay ang serbisyo sa mga dayuhang bisita, na kinabibilangan ng mga turistang Tsino sa mga susunod na buwan.

 

Umaasa rin siyang, sa pamamagitan ng ginaganap na pagsasanay pang-wika, mas mabuting maihahanda ang mga manggagawang panturismo ng Pilipinas sa pagtanggap ng mga turistang Tsino, sa sandaling ang kondisyon ay bumuti na.

 

"Sa mga kalahok sa pagsasanay, hangad ko ang inyong kabutihan at umaasa akong seryoso ninyong pagtutuunan ng pansin ang lahat ng mga leksyon," diin ni Romulo-Puyat.

 

Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad_fororder_20210914wika8

 

Sa kanya namang hiwalay na talumpati, ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na bukod sa pisikal na kagandahan ng Pilipinas, mayroon pang ibang yaman ang bansa na siyang dahilan kung bakit ito ay tunay na katangi-tangi, at "ito ay walang iba kundi ang mga mamamayang Pilipino."

 

Ang mga Pilipino aniya ay marunong tumanggap ng bisita at may kakayahan upang ang pagdalaw sa Pilipinas ng mga dayuhang biyahero ay maging tunay na di-malilimutan.

 

"Isinusulong ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, DoT-Beijing, kaagapay ang ACC ang pagsasanay na ito upang tulungan ang mga Pilipinong magkaroon ng abilidad na magiging kapaki-pakinabang sa sandaling handa na ang Pilipinas na muling tumanggap ng mga bisitang Tsino," saad ni Sta. Romana.

 

Aniya pa, bagamat pansamantalang natigil ang pagdalaw ng mga turistang Tsino dahil sa COVID-19, ang Tsina ay isa pa ring mahalagang pinagmumulan ng mga bisita ng Pilipinas.

 

Sa kabilang banda, inamin ng embahador na ang industriya ng turismo ay isa sa mga grabeng naapektuhan ng pandemiya, at ito ay nagdulot ng kawalang-katiyakan sa kinabukasan ng mga pamilyang Pilipinong umaasa rito.

 

Pero, sa harap ng mapait na katotohanan, dahil sa di-natitinag na pag-asa, pagkamatatag, at diwang mapagbigay na ipinakikita ng mga Pilipino, hindi titigil ang pamahalaan upang humanap ng paraan at oportunidad na aakma sa pangangailangan ng mga mamamayan sa panahong napakarami ang mga pagsubok, diin ni Sta. Romana.

 

Samantala, pinasalamatan ng embahador ang ACC sa ibinibigay nitong suporta sa industriya ng turismo ng Pilipinas, at ipinahayag ang kahandaang maglunsad pa ng katulad na proyekto sa hinaharap.

 

"Sana po ay magdulot ang proyektong ito ng karagdagang kaalaman na magagamit po ninyo sa inyong kabuhayan. Maaasahan po ninyo ang aming suporta mula rito sa Beijing, sa abot po ng aming makakaya," ani Sta. Romana.

 

Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad_fororder_20210914wika10

 

Sa kabilang dako, ipinahayag naman ni Chen Dehai, Pangkalahatang Kalihim ng ACC, na ang 2021 ay ika-30 taong anibersaryo ng Relasyong Pandiyalogo ng Tsina at ASEAN, at ikinatutuwa niyang makita ang masaganang bunga ng naturang ugnayan nitong nakalipas na 3 dekada.

 

Aniya, sa pagharap sa pandemiya ng COVID-19, palaging magka-agapay at nagtutulungan ang Tsina at ASEAN sa pagkalinga sa isat-isa.

 

Sa kasalukuyan, kinakaharap ng lahat ang mahigpit na restriksyon sa internasyonal na pagbibiyahe, pero naniniwala siyang ang maningning na kinabukasan ng industriya ng turismo ay hindi magmamaliw.

 

Ang magkasamang pagpupunyagi aniya ng dalawang panig na tulad ng patuloy na pagpapabuti ng kakayahan ng yamang-tao ay siguradong makakatulong sa muling pagpapasigla at pagdedebelop ng industriya ng turismo.

 

Dagdag pa niya, para sa mga turistang Tsino, ang Pilipinas ay isang malapit na kapitbansa at isa sa pinakapaboritong destinasyong pambakasyon, kaya handa silang muling bumisita sa bansa.

 

Naniniwala si Chen na dahil sa mga lokal na gabay panturismo at iba pang tagapagbigay ng serbisyo, ang pagbisita sa Pilipinas ng mga turistang Tsino ay magiging napakasaya at di-malilimutan.

 

"Bilang isa sa mga pangunahing proyekto ng ACC, ilang beses nang magkakasamang inorganisa sa magkakahiwalay na okasyon ang Pagsasanay sa Wikang Tsino ng mga Gabay Panturismo ng ASEAN para sa mga Turistang Tsino, at ito ay nagdulot ng kasiya-siyang resulta," dagdag niya.

 

Para sa kasalukuyang pagsasanay, sinabi ni Chen na "inanyayahan natin ang walong dalubhasa mula sa akademiya at bokasyonal na larangan, at lahat sila ay may mayamang karanasan sa pagtuturo at paggagabay ng mga turista."

 

Naniniwala siyang malaking benepisyo ang makakamtan ng mga kalahok sa anim na araw na pagsasanay.

 

Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad_fororder_20210914wika2

Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad_fororder_20210914wika1

Ang ONLINE CHINESE LANGUAGE TRAINING PROGRAM ay idinaraos mula Setyembre 14 hanggang 17 at Setyembre 22 hanggang 23, 2021.

 

Ito ay nasa magkasamang pagtataguyod ng DoT, Embahada ng Pilipinas sa Beijing, at ACC.

 

Kasama naman sa mga katuwang na organisasyon ay: Beijing Foreign Studies University, Beijing Union University, Guilin Tourism University at iba pang kompanyang panserbisyo ng Tsina.

 

Manggagawang panturismo ng Pilipinas, inihahanda sa muling pagbisita ng mga turistang Tsino: Online Chinese Language Program, inilunsad_fororder_20210914wika3

 

Ang buong programa ay binubuo ng 23 kursong kinabibilangan ng pag-aaral ng karakter Tsino at idyoma tungkol sa mga numero, direksyon, transportasyon, wastong pakikisalamuha, pagkain, akomodasyon at otel, atraksyong panturista, kulturang Tsino, istandard na serbisyo ng mga gabay panturista at marami pang iba.

 

Editor: Rhio Zablan at Liu Kai

Please select the login method