Dushanbe, kabisera ng Tajikistan—Nag-usap nitong Huwebes, Setyembre 16, 2021 sina Pangulong Ebrahim Raisi ng Iran at Punong Ministro Imran Khan ng Pakistan.
Tinalakay ng kapuwa panig ang hinggil sa bilateral na relasyon, kalagayan ng Afghanistan at iba pang isyu.
Saad ni Raisi, ang susi ng pagresolba sa isyu ng Afghanistan ay pagbuo ng isang inklusibong pamahalaan, at di-pagpayag sa pakikialam ng bansang dayuhan sa mga suliranin ng Afghanistan.
Aniya, dapat buong sikap na tulungan ang Afghanistan, para mabuo ang isang pamahalaang batay sa mithiin ng mga mamamayang Afghan, at may pagbibigayan sa iba’t ibang panig.
Inihayag naman ni Khan na ang pagpapataas ng lebel ng kooperasyon ng Pakistan at Iran ay magbubunsod ng positibong epekto sa rehiyon at buong mundo.
Dagdag niya, dapat mahigpit na magtulungan ang dalawang bansa, at makipag-ugnayan sa isa’t isa, para ipagkaloob ang ginhawa sa maalwang pagtatayo ng Afghanistan ng inklusibong pamahalaan.
Salin: Vera
Pulido: Mac