Mas malakas na komprehensibong estratehikong partnership, inaasahan ng Tsina at mga islang bansa ng Pasipiko

2021-10-21 16:48:21  CMG
Share with:

Pinanguluhan ni Wang Yi, State Councilor at Ministrong Panlabas ng Tsina ang pagdaraos  ngayong araw, Oktubre 21, 2021 ng kauna-unahang pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina at islang bansa ng Pasipiko.
 

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Wang, na batay sa ideya ng pagtatatag ng isang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan, nakahanda ang Tsina na katigan at tulungan ang mga islang bansa ng Pasipiko para mapabilis ang sariling pag-unlad at matupad ang komong pag-ahon.
 

Para maitatag ang mas malakas na komprehensibong estratehikong partnership, iniharap ni Wang ang anim na mungkuhing gaya ng pagpapalalim ng pagpapalitan sa mga patakaran, pagpapalalim ng kooperasyon laban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), pagpapasulong ng pagpapasigla ng kabuhayan, pagtutulungan sa harap ng mga hamon, pagpapalawak ng people-to-people exchanges at pagpapatibay ng multilaterismo.
 

Sumang-ayon naman ang mga kalahok na maging regular ang pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina at islang bansa ng Pasipiko.
 

Ipinahayag nila ang pasasalamat sa mga tulong at suportang ibinigay ng Tsina at ipinaabot ang pagbati kaugnay ng Ika-100 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
 

Inulit din nila ang paninindigan sa prinsipyong “Isang Tsina” at pagkatig sa pangalaga sa nukleong interes at kapakanan ng Tsina.
 

Bukod dito, umaasa ang mga islang bansa ng Pasipiko, na mapapalakas ang pagpapalitan sa Tsina sa mga aspektong gaya ng pangangasiwa at pamamahala ng bansa, at kooperasyon sa balangkas ng “One Belt One Road” para mapataas ang komprehensibong estratehikong partnership ng magkabilang panig sa bagong antas.
 

Salin: Sissi
 

Pulido: Rhio

Please select the login method