Ayon sa Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, ang isang taon ay nahahati sa 24 na solar term.
Ang mga ito ay produkto ng matalinong pag-iisip ng mga sinaunang Tsino bilang mahalagang gabay sa mga gawaing pang-agrikultura.
Magpahanggang ngayon, malaki ang pakinabang ng mga solar term, dahil ang mga ito ang naghuhudyat kung kailan hindi lamang isasagawa ang pagsasaka, kundi ihahain at kakainin ang mga partikular na pagkain, isasagawa ang mga kultural na seremonya’t pagtitipon, at marami pang iba.
Kaugnay nito, nagsimula ngayong araw, Oktubre 23 at tatagal hanggang Nobyembre 6, 2021 ang ikalabing-walo sa dalawampu’t apat na solar term: ang Pagpanaog ng Nagyelong Hamog o “霜(shuānɡ)降(jiànɡ)”.
Ang Shuang Jiang ang siya ring panghuling solar term sa panahon ng Taglagas at nagsisilbing transisyon mula Taglagas patungong Taglamig.
Maliban sa pagbaba ng temperatura, makikita sa kapaligiran tuwing Shuang Jiang ang mapuputing mala-kristal na yelong hugis heksagon mula sa pamumuo ng hamog.
At kagaya rin ng iba pang solar term, ang Shuang Jiang ay may 3 kabanata o“侯 (hòu),” at ang bawat hou ay may 5 araw.
Sa unang hou, magsisimulang mangaso at mag-imbak ng pagkain ang maiilap na hayop bilang paghahanda sa mahabang Taglamig.
Sa pangalawang hou, maninilaw o mamumula at babagsak sa lupa ang mga dahon ng ibat-ibang uri punong-kahoy at halaman — ito ang panahon kung kailan gustung-gustong mamasyal ng maraming Tsino sa mga parke, kanayunan at kabundukan upang pagmasdan at kunan ng larawan ang mga kaakit-akit na punong-kahoy na hitik sa dilaw at pulang dahon.
Namumulang mga dahon ng maple sa panahon ng Taglagas sa Beijing, Tsina, larawang kuha Oktubre 22, 2021
Naggagandahang mapupula’t naninilaw na dahon ng mga punong-kahoy sa lunsod Jinan, lalawigang Shandong, Tsina, larawang kuha Oktubre 19, 2021
At sa pangatlong hou, sisimulang magtago at matulog ang mga insekto at iba pang mga hayop sa mga kuweba o inihandang tirahan para sa Taglamig.
Mga pagkain
Sa panahon ng Shuang Jiang, mataas ang tsansang magkaroon ng mga kronikong sakit. Kaya naman, ipinapayo ng mga doktor ng Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM) na pag-ukulan ng atensyon ang pagmimintena ng kalusugan. Narito ang ilang mga pagkaing popular tuwing Shuang Jiang:
Persimmon
Masaganang anihan ng persimon sa Wanrong, lalawigang Shanxi, larawang kuha Oktubre 22, 2021
Ang pagkonsumo ng persimon tuwing Shuang Jiang ay makakatulong sa paglaban ng katawan sa sipon, ubo at trangkaso, at mainam din itong pampalakas ng mga buto. Sa ibang kanayunan ng Tsina, naniniwala ang mga tao na magkakaroon ng bitak ang kanilang mga labi kung hindi sila kakain ng persimon sa panahong ito.
Mansanas
Masaganang anihan ng mansanas sa nayong Zhangzi, lunsod Chengde, lalawigang Hebei, larawang kuha Oktubre 19, 2021
Ang mansanas ay isa sa mga rekomendadong prutas na nararapat kainin tuwing Shuang Jiang, dahil taglay nito ang maraming bitaminang pakikinabangan ng katawan. Makakatulong ang mansanas na gawing mamasa-masa ang baga, na mabuti sa respirasyon. Pinapawi rin nito ang uhaw at mainam itong katulong ng panunaw ng tiyan. Ayon sa kasabihang Tsino, "Sa pagkonsumo ng mansanas kada matapos kumain, kahit ang matatandang kalalakihan ay magiging sinlakas ng mga binata."
Peras
Ang peras ay isa pang rekomendadong prutas sa panahon ng Shuang Jiang, dahil pinalalakas nito ang produksyon ng mahahalagang likido ng katawan. Ang mga likidong ito ang nagkokontrol ng init sa katawan at nagpapababa ng plema sa baga at lalamunan.
Mga magsasaka mula sa nayong Qianjiazhuang, lunsod Handan, lalawigang Hebei, Tsina habang umaani ng peras, larawang kuna Oktubre 22, 2021
Pato
Isang tradisyon sa Tsina ang pagkain ng pato sa unang araw ng Shuang Jiang, lalo na sa katimugan ng bansa na gaya ng mga lalawigang Fujian at Taiwan. Samantala, sa hilagang bahagi ng bansa na tulad ng Beijing, popular buong taon ang “Peking Duck,” isang uri ng litsong pato, na talaga namang katakam-takam. Sa Pilipinas, may mga restawran na nagsisilbi ng Peking Duck, at kung may oras kayo, subukan ninyong tikman. Siguradong hindi kayo magsisisi! Kaugnay nito, may isang kasabihang Tsino sa Fujian, "Kahit ang buong taong pagpapalakas ng katawan ay hindi papantay sa kalusugang makakamit sa unang araw ng Shuang Jiang.” Ang pagkonsumo ng mga putaheng pato ay isang paraan upang pabutihin at palusugin ang katawan sa panahon ng Shuang Jiang.
Peking duck
Kastanyas
Mga inihaw na kastanyas na may karamel
Masaganang ani ng mga kastanyas sa nayong Fenghuang, Jingning She Autonomous County, lalawigang Zhejiang, larawang kuha Setyembre 27, 2021
Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino, ang kastanyas ay may mainit na katangian at matamis na lasa. Mainam ito sa pagpapalusog ng lapay at tiyan, nagpapabuti ng sirkulasyon ng dugo, at nagpapagaling ng mga karamdamang gaya ng ubo at pagkakaroon ng plema.
Dates
Masaganang anihan ng dates sa nayong Gaoguan, lunsod Cangzhou, lalawigang Hebei, larawang kuha Setyembre 29, 2021
Ang dates ay isa sa mga napapanahong prutas tuwing Shuang Jiang, kaya, popular itong kainin ng mga Tsino. Ilan sa mga benepisyong handog nito ay: pagpapaganda ng daloy ng dugo, pagpapababa ng presyon ng dugo, at pagpapalakas ng imyunidad ng katawan. Pero, tulad ng lahat ng bagay, ang kalabisan ay hindi mainam, at ipinapayo ng mga doktor ng Tradisyunal na Medsinang Tsino ang katam-tamang pagkain ng dates.
Pagdiriwang
Tulad ng kulturang Pilipino, hitik sa mga pestibal ang kultura ng Tsina. Ang mga ito ay bahagi ng tradisyunal na kagawian ng lipunan bilang pagdiriwang sa mahahalagang kaganapan at nagsisilbing selebrasyon ng buhay. Sa pagdating ng Shuang Jiang, hindi siyempre mawawala ang pestibal sa Tsina.
Pestibal ng Shuang Jiang
Sa mga lugar sa Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, idinaraos ang malaking pagdiriwang sa unang araw ng Shuang Jiang. Bilang bahagi ng selebrasyon, ginagawa ang mga seremonya ng pag-aalay, pagtatanghal ng mga katutubong sayaw, at pagkanta ng mga tradisyunal na awit. Ang pestibal na ito ay may mahigit 360 taon, at ito rin ay may-kaugnayan sa paggunita sa kabayanihan ni Cen Yuyin, laban sa pananakop ng mga dayuhang puwersa.
Artikulo: Rhio Zablan
Content-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Source: Sarah/Jade
Larawan/caption: CFP/Jade