Ang mga nakakatanda ay simbolo ng pagpapatuloy ng kaalaman at katalinuhan ng nakalipas na panahon, at nararapat lamang na lubos silang arugain at pakaingatan ng mas nakababatang henerasyon.
Sa sinaunang lipunang Pilipino, napakahalagang bagay na marinig ng isang datu, rajah at lakan ang matalinong tinig ng “konseho ng nakatatanda” bago ipatupad ang isang pasya.
Sa katulad na paraan, lagi ring tinatalima ng lahat ng miyembro ng sinaunang pamilyang Pilipino ang mga payo ng kanilang mga lolo at lola, at ang mga ito ang ginagawang gabay sa pagtahak sa landas ng pamumuhay.
Magpahanggang ngayon, makikita pa rin sa lipunan ng Pilipinas ang mataas na pagtingin at paggalang sa mga nakakatanda, at ang “pagmamano” ay isang napaka-inam at representatibong halimbawa nito.
Samantala, tulad ng mga Pilipino, malaki ang inilalaang paggalang ng lipunan at pamahalaang Tsino sa mga may-edad.
At kagaya rin sa mga pamilyang Pilipino, mahalagang papel ang ginagampanan ng mga lolo’t lola sa pamamalakad ng pamilya.
Sila ang mga gabay at nagbibigay ng matalinong payo sa mga haligi at ilaw ng tahanang Tsino.
Sa makabagong panahon, muling umusbong ang panibago at di-mapapalitang papel ng mga nakakatanda sa lipunan ng Tsina, at ito ang pag-aalaga sa mga apo.
Dahil sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya at pagbabago ng takbo ng pamumuhay, ang mga haligi at ilaw ng tahanan ay kadalasang naghahanap-buhay buong maghapon, at kung minsan ay nangingibang-lunsod o bayan upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga supling.
Dahil dito, naiiwan sa mga kamay ng mga lolo’t lola ang pag-aaruga, pagtuturo, at paghahatid-sundo sa paraalan sa mga bata.
Upang kilalanin ang kanilang pambihirang kontribusyon sa lipunan at bansa, napagpasiyahan ng pamahalaang Tsino noong 1989, na ideklara ang ikasiyam na araw ng ikasiyam na buwan ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, o mas kilala sa tawag na Pestibal ng Doble Nuwebe o Pestibal ng Chongyang, bilang Araw ng Matatanda.
Di naglaon, ang selebrasyon ng Araw ng Matatanda ay napasailalim sa rebisadong Batas sa Pangangalaga sa mga Karapatan at Kapakanan ng Matatanda, na pinagtibay ng punong lehislatura ng Tsina noong Disyembre 28, 2012.Sa kalendaryong Gregoryo, ang araw na ito ay madalas na nasa buwan ng Oktubre, at sa taong 2021, ito ay ipinagdiriwang ngayong araw, Oktubre 14.
Bilang pagdiriwang sa Araw ng Matatanda, taun-taong inoorganisa ng mga lokal na pamahalaan, organisasyon, at ibat-ibang komunidad ang mga aktibidad na gaya ng“Biyahe sa Taglagas”para sa mga retiradong empleyado.
Ang Araw ng Matatanda ay sumasabay sa panahon ng Taglagas.
Kaya, habang nasa pampang ng mga ilog at lawa, o habang nasa kanlungan ng maririkit na kabundukan, nalalasap ng matatanda ang katahimikan at kapanatagan ng damdamin.
Samantala, kadalasan namang ipinapasyal ng mga mas nakababatang henerasyon ang kanilang mga lolo’t lola sa mga kanayunan o binibigyan sila ng regalo sa araw na ito.
Ito ay isang pagpapakita na ang mga nabibilang sa naunang henerasyon ay integral pa ring bahagi ng lipunang Tsino.
Mga bata habang nag-aaral kung paano arugain ang mga may-edad sa isang tahanan ng matatanda sa Xiangfen county, lunsod Linfen, lalawigang Shanxi, Tsina, larawang kuha Oktubre 14, 2021.
Mga matanda habang naglalaro ng pingpong sa isang parke sa lunsod Shenyang, lalawigang Liaoning, Tsina, larawang kuha Oktubre 14, 2021.
Selebrasyon ng Araw ng Matatanda sa nayong Hupolou, lunsod Shangqiu, lalawigang Henan, Tsina, larawang kuha Oktubre 14, 2021.
Isang tradisyunal na pestibal
Maliban sa pagiging espesyal na araw na alay sa matatanda, ang Pestibal ng Doble Nuwebe ay isa ring tradisyunal na pestibal na may mahabang kasaysayan.
Naniniwala ang mga sinaunang Tsino na ang araw na ito ay masuwerte at karapat-dapat na ipagdiwang.
Narito ang ilan sa mga kawili-wili at interesanteng kagawian, alamat at siyempre, pagkain at inumin tuwing Pestibal ng Doble Nuwebe.
--Pag-akyat sa bundok
Noong sinaunang panahon, inaakyat ng mga Tsino ang matataas na lugar tulad ng mga bundok at tore tuwing Pestibal ng Doble Nuwebe, kaya kilala rin ang araw na ito bilang “Pestibal ng Pag-akyat.” Maraming sinaunang makata ang sumulat ng tula tungkol sa aktibidad na ito, at magpahanggang ngayon, marami pa ring Tsino ang umaakyat sa matataas na lugar tuwing Pestibal ng Doble Nuwebe.
Bundok Echu, lalawigang Sichuan, larawang kuha Oktubre 14, 2021
--Chongyang Keyk
Ayon sa historikal na tala, ang Chongyang Keyk, na tinatawag ding Keyk ng Bulaklak, Keyk ng Krisantemo, at Keyk ng Limang Kulay ay madalas inihahanda at kinakain ng mga Tsino tuwing Pestibal ng Doble Nuwebe. Walang ispisipikong hugis, sahog at paraan ng pagluluto ang keyk. Pero, ang pinakakahanga-hangang uri ng keyk ay may siyam na palapag at hugis tore, at sa bandang itaas ay kadalasang may dalawang Tupa na gawa sa harina.
Mga Doble Nuwebe Keyk na may samu’t saring hugis at uri
--Paghanga sa Krisantemo
Ang Pestibal ng Doble Nuwebe ay isang ginintuang panahon para sa mga Tsino. Sa araw na ito, namumukadkad ang naggagandahang mga bulaklak ng Krisantemo sa maraming lugar ng bansa. Kaya, isang popular na aktibidad ang pagmamasid at paghanga sa mga ito. Noong sinaunang Tsina, inilalagay rin ng mga kababaihan ang mga bulaklak sa kanilang buhok. Samantala, habang pinagmamasdan ang karikitan ng mga bulaklak, nakagawian na rin ng mga Tsino na uminom ng Alak ng Krisantemo. Ang mga ito ay pinaniniwalaang nagsimula noong panahon ng Dinastiyang Song (960AD – 1279AD).
Mga krisantemo
--Kawili-wiling Alamat
Tulad ng ibang tradisyunal na okasyon ng Tsina, ang Pestibal ng Doble Nuwebe o Pestibal ng Chongyang ay mayroon ding sariling kuwento. Ayon dito, noong panahon ng Silangang Dinastiyang Han (25AD – 220AD), may demonyong nananalanta sa lugar ng Ilog Ruhe, at tuwing ito’y nagpapakita, maraming tao ang nagkakasakit at namamatay. Ang mga magulang ng binatang si Huan Jing ay kasama sa mga sinawing-palad. Isang araw, narinig ni Huan Jing na may imortal na nakatira sa may gawi ng silangang karagatan, kaya napagpasiyahan niyang pumunta roon upang humingi ng tulong para puksain ang demonyo. Nang sila ay magkita, itinuro ng imortal kung paano paslangin ang demonyo. Sinabi nito kay Huan Jing, na muling magpapakita ang demonyo sa ikasiyam na araw ng ikasiyam na buwan. Nang makabalik si Huan Jing, sinabi niya sa mga mamamayan na umakyat sa bundok. Bukod dito, binigyan din niya ang lahat ng sanga’t dahon ng Krisantemo at isang baso ng alak ng Krisantemo. Nang umahon ang demonyo mula sa tubig, ito’y nahilo dahil sa amoy ng Krisantemo. Sinamantala naman ni Huan Jing ang pagkakataon at kinuha ang matalim na espada at dagliang pinaslang ang demonyo. Mula noon, ang pag-akyat sa bundok, pagsasabit ng mga dahon at sanga ng Krisantemo sa mga bintana at pinto at pag-inom ng Alak ng Krisantemo ay naging kagawian tuwing Pestibal ng Doble Nuwebe.
Artikulo: Rhio Zablan
Patnugot sa teksto: Jade/Rhio
Patnugot sa web: Jade/Sarah
Source: Jade
Larawan: CFP
Binondo-Intramuros Bridge, matatapos sa unang kuwarter ng 2022
Bong Antivola: Pagtutulungan at kabutihang loob, mahalaga sa pagdaig ng Xiamen sa COVID-19 outbreak
Qiu Fen, kalagitnaan ng Taglagas; Pista ng Pag-ani, ipinagdiriwang
Bai Lu, pagdating ng puting hamog: malamig na gabi at umaga, sumapit na sa Tsina