Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, na nangangako ang Amerika na igagarantiya ang kakayahang pandepensa ng Taiwan. Aniya, itinuturing ng maraming bansa bilang malaking banta ang unilateral na paggamit ng dahas para makasira sa umiiral na kalagayan ng kapayapaan at seguridad.
Kaungay nito, tinukoy nitong Huwebes, Nobyembre 11, 2021 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang simulaing isang Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika ay pundasyon ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko at malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Aniya, ang Taiwan Relations Act na unilateral na itinakda ng Amerika ay lumalabag sa binitawang pangako ng panig Amerikano sa nasabing tatlong magkasanib na komunike, at ipinapauna ang sariling batas na panloob sa obligasyong pandaigdig, kaya ilegal at walang bisa ito.
Saad ni Wang, hinding hindi pinahihintulutan ng panig Tsino ang paglapastangan ng panig Amerikano sa soberanya ng Tsina, at ang pakikialam nito sa mga suliraning panloob ng Tsina, gamit ang anumang katuwiran.
Dapat sundin ng panig Amerikano ang simulaing isang Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa, sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon, at itigil ang pagpapadala ng anumang maling signal sa puwersang nagnanais ng pagsasarili ng Taiwan, dagdag niya.
Ani Wang, tiyak na mabibigo ang anumang aksyong humahamon sa simulaing isang Tsina, at tumataliwas sa tunguhin ng reunipikasyon ng Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Mac