Sa pamamagitan ng video link, dumalo at nangulo sa Beijing Lunes, Nobyembre 22, 2021 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa China-ASEAN Special Summit bilang paggunita sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN.
Sa summit, idineklara ni Xi ang pormal na pagtatatag ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN. Ito ang naging bagong milestone ng relasyon ng kapwa panig sa kasaysayan, at makakapagbigay ng bagong puwersa para sa kapayapaan, katatagan, kasaganaan, at kaunlarang panrehiyon at pandaigdig.
Tinukoy ni Xi na nitong 30 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN, nakaranas sila ng di-karaniwang proseso. Ang 30 taong nakalipas ay 30 taong hindi lamang naisakatuparan ang malalim na pag-unlad ng globalisasyong pangkabuhayan at malalimang pagbabago ng kayariang pandaigdig, kundi ito ay 30 taong sinamantala ng Tsina at ASEAN ang pagkakataong dulot ng siglo at isinakatuparan ang napakalaking pag-unlad ng relasyon ng kapwa panig.
Sa kasalukuyan, tinatahak ng Tsina at ASEAN ang isang maalwang landas na may pagkakaibigan, pagtutulungan, at win-win result na tumutungo sa humihigpit nang humihigpit na komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran, bagay na nakakapagbigay ng mahalagang ambag para sa buong sangkatauhan, ani Xi.
Ipinagdiinan ng pangulong Tsino na noon, ngayon, at sa hinaharap, ang Tsina ay nananatiling mabuting kapitbansa, kaibigan at katuwang ng ASEAN.
Buong tatag aniyang sinusuportahan ng Tsina ang pagkakaisa ng ASEAN at konstruksyon ng komunidad ng ASEAN, buong tatag na sunusuportahan ang namumukod na katayuan ng ASEAN sa estrukturang panrehiyon, at buong tatag ding sinusuportahan ang pagpapatingkad ng ASEAN ng mas malaking papel sa mga suliranin sa rehiyon at buong daigdig.
Salin: Lito
Pulido: Mac