“Bagong Kabuhayan at Bagong Kaunlaran” ang magiging tema ng Shanghai Taipei City Forum para sa taong 2021.
Ito ang ipinahayag ni Zhu Fenglian, Tagapagsalita ng Tanggapan sa mga Suliranin ng Taiwan ng Konseho ng Estado ng Tsina, sa regular na preskon, ngayong araw, Nobyembre 24, 2021.
Zhu Fenglian, Tagapagsalita ng Tanggapan sa mga Suliranin ng Taiwan ng Konseho ng Estado ng Tsina
Ani Zhu, ayon sa napagkasunduan ng naturang dalawang siyudad, ang taunang forum ay idaraos sa Disyembre 1, 2021, sa pamamagitan ng video link.
Tampok sa gaganaping porum ang mga paksa hinggil sa museo, arkitektura, at digital na transpormasyon ng mga industriya sa panahon pagkatapos ng pandemiya, salaysay ni Zhu.
Sapul nang ilunsad ang naturang porum noong 2010, tatlumpu’t anim (36) na Memorandum of Understanding (MOU) hinggil sa pagpapalitan at pagtutulungan ang nalagdaan, dagdag pa ni Zhu.
Ipinahayag ng tagapagsalitang Tsino ang kagalakan sa pagpapalalim ng pagpapalitan at pagtutulungan sa iba’t ibang larangan ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait, para makinabang dito ang magkakababayan at mapasulong ang mapayapang pag-unlad ng ugnayan ng magkabilang pampang.
Isinasalay rin ni Zhu ang hinggil sa Zijinshan Summit para sa mga Mangangalakal sa Magkabilang Pampang ng Taiwan Strait na magbubukas sa Disyembre 7, sa Nanjing, lalawigang Jiangsu sa dakong silangan ng Tsina.
Bilang tugon sa mga may kinalamang tanong, binatikos din ni Zhu ang walang humpay na tangka ng awtoridad ng Partido Demokratiko Progresibo ng Taiwan para ihiwalay ang Taiwan mula sa Tsina. Salungat ito sa hangarin ng higit na nakararaming magkakababayan ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait, diin ni Zhu.
Salin: Jade
Pulido: Mac