Kaugnay ng balak na pagbisita ni Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Amerika, sa Taiwan pagkatapos ng kanyang pagbisita sa Hapon, ipinahayag nitong Huwebes, Abril 8, 2022 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na matatag na tinututulan ng panig Tsino ang binabalak na pagbisita ni Pelosi sa Taiwan at iniharap na ang solemnang representasyon sa Amerika.
Diin ni Zhao na dapat sundin ng Amerika ang patakarang isang Tsina at mga tadhana ng tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa at kanselahin ang plano ng pagbisita ni Pelosi sa Taiwan.
Sinabi pa niyang kung hindi babaguhin ng Amerika ang naturang plano, siguradong gagamitin ng Tsina ang mga katugong hakbangin para pangalagaan ang kabuuan ng soberanya at teritoryo ng bansa.
Kaugnay naman ng mga pananalita nina Treasury Secretary Janet Yellen at Deputy State Secretary Wendy Sherman ng Amerika hinggil sa Taiwan nitong Miyerkules, Abril 6, ipinahayag ni Zhao na ang isyu ng Taiwan ay nabibilang sa suliraning panloob ng Tsina at walang kapangyarihan ang anumang bansa na pakialaman ang isyung ito.
Salin: Ernest
Pulido: Mac