Nakabinbin pa rin sa Senado ng Pilipinas ang pagratipika sa kasunduang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), pinakamalaking kasunduan ng malayang kalakalan sa buong mundo. Nagkabisa ito noong Enero 1, 2022.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang RCEP ng 12signataryong bansa, na kinabibilangan ng pitong kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na Brunei, Cambodia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam, kasama ng Tsina, Hapon, New Zealand, Timog Korea at Australia. Sa Mayo 1, papasok na rin sa dambuhalang trade block ang Myanmar.
Sa online forum nitong Abril 21, 2022 na itinaguyod ng Association for Philippines-China Understanding (APCU) sinabi ni Assistant Secretary Allan Gepty ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi na mapipigilan ang pag-uugnayan ng mga ekonomiya, patuloy ang pagdaloy ng mga produkto at serbisyo sa pagitan ng mga bansa, lumalaki ang merkado at mga oportunidad at nagbabago ang kapaligirang pang-negosyo ng daigdig.
Kailangang maging bahagi ang Pilipinas ng RCEP dahil hatid nito ang pagkakataon ng mabilis na pagbangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic. Ipinatutupad ito sa panahong matindi ang walang-kasiguruhan sa isang mundong balot ng tensyon. Sinabi pa ni ASec. Gepty na mas matimbang ang benepisyo ng RCEP sa perceived cost o di mabuting kapalit na iginigiit ng mga kritiko.
Paliwanag pa niya, ang RCEP Agreement ay di lamang tungkol sa trade liberalization at market access, ito rin ay tungkol sa panuntunan at mga disiplina sa pagnenegosyo at kalakalan sa mas malawak na lugar ng malayang kalakalan.
Inilahad din ni ASec. Gepty ang datos mula sa pag-aaral ni Dr. Caesar Cororaton, Research Fellow sa Virginia Polytechnic Institute and State University sa Amerika at Visiting Scholar ng De La Salle University sa Pilipinas. Nagpapakita ang datos na sa taong 2031 ang RCEP ay magdudulot ng 3.62% pagbaba ng poverty incidence, 3.49% na pagliit sa poverty gap at 3.82% na pagbawas sa poverty severity. Kung ang Pilipinas ay lalahok sa RCEP, inaasahang sa taong 2031, ayon pa kay Dr. Cororaton magtatala ang bansa ng 1.93% real GDP growth, at bababa ng 0.48% ang Consumer Price Index (CPI).
Kung hindi naman sasali, ayon sa datos ng pananaliksik ni Dr. Francis Quimba ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), bababa ng 0.26% ang real GDP ng Pilipinas. Mapupunta rin sa iba ang puhunang dayuhan.
Muling idiniin ni Asec. Gepty na dapat samantalahin ng Pilipinas ang mga bentahe ng RCEP na gaya iisang set ng Rules of Origin, mga pinasimpleng patakaran, bawas na barriers, at makabagong proseso sa adwana na mauuwi sa mas murang halaga ng bayaring administratibo.
Higit sa lahat, may safety nets na nakapaloob sa Kasunduan ng RCEP na tiyak na pangangalagaan ang mga interes ng Pilipinas, dagdag pa ni Asec. Gepty.
Sa darating na Mayo, muling magbubukas ang Senado at inaasahang tatalakayin ang ratipikasyon ng RCEP accord ng mga mambabatas. Kailangan ang 16 na boto para maipasa ito.
ULat: Machelle Ramos
Patnugot sa nilalaman: Jade/Mac
Patnugot sa website: Jade
Larawan: CFP/Mac
Pangulong Duterte sa BFA: muling buuin ang mas mabuting bagong normal pagkatapos ng pandemiya
BFA: RCEP at Hainan FTP, magdudulot ng malaking benepisyo sa Asya
Kalakalan ng Tsina sa mga kasaping bansa ng RCEP, 2.86 trilyong yuan RMB
Komprehensibong pagpapatupad ng RCEP, napagkaisahan ng Kambodya at Hapon