Proyekto ng Irigasyon sa Ilog Chico, tapos na

2022-06-26 12:39:10  CMG
Share with:

Isang seremonya ang idinaos Sabado, Hunyo 25, 2022 sa bayan ng Pinukpuk, probinsyang Kalinga bilang selebrasyon sa pagtatapos ng Proyekto ng Irigasyon sa Ilog Chico na pinondohan ng pamahalaang Tsino.

 

Magkasabay na pinindot nina Yang Guoliang (ikalawa mula sa kaliwa), Counsellor ng Emabahdang Tsino sa Pilipinas, at Ricardo Visaya (ikalawa mula sa kanan), Puno ng National Irrigation Administration, ang buton ng pagsisimula ng istasyon ng irigasyon.


Dumalo rin sa seremonya ang mga opisyal na Tsino at Pilipino.

 

Samantala, sa kanyang naka-video na talumpati, ipinahyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagbati sa maayos na pagkakatapos ng proyekto.

 

Pinasalamatan din niya ang suporta at tulong ng pamahalaang Tsino.


Sa loob ng darating na mga taon, ipagkakaloob aniya ng proyektong ito ang mabisang irigasyon ng tubig sa lokalidad, bagay na makakapagpasulong sa sustenableng paggamit at pag-unlad ng mga likas na yaman at makakapagpabuti sa pamumuhay ng mga lokal na mamamayan.

 

Ipinahayag naman ni Ricardo Visaya, Puno ng National Irrigation Administration (NIA), na nitong ilang taong nakalipas, maraming tulong ang ipinagkaloob ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan, at pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.

 

Sa katulad na paraan, ang nasabing proyekto ay magkakaloob aniya ng napakalaking pakinabang sa malawak na masa ng mga magsasaka sa lugar.

 

Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapalakas ng Pilipinas at Tsina ang kooperasyon sa agrikultura at iba pang larangan para magbigay ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan.

 

Maliban diyan, ipinahayag ng iba pang opisyal Pilipino ang pasasalamat sa ibinibigay na malaking pagkatig ng pamahalaang Tsino.

 

Hinahangaan din nila ang abilidad ng kontratador na Tsino sa mataas na kalidad ng proyekto.

 

Samantala, ipinahayag ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na bilang isa sa mga proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build,” magkasamang isinulong ng mga pamahalaan ng Tsina at Pilipinas ang Proyekto ng Irigasyon sa Ilog Chico.

 

Ito rin aniya ay ang ika-17 proyektong pangkooperasyon sa pagitan ng dalawang pamahalaan na nakumpleto sa loob ng termino ni Pangulong Duterte.

 

Sa hinaharap, itutuloy ng panig Tsino ang pagkatig sa Pilipinas para mapasulong ang mas maraming proyektong pangkooperasyon at makapaghatid ng mas malaking benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.

 

Proyekto ng Irigasyon sa Ilog Chico

Ang China CAMC Engineering Co., Ltd. ang kontratador ng proyekto, samantalang ang ibinigay naman ng Export-Import Bank of China ang pinansyal na suporta.


Salin: Lito

Pulido: Rhio

Photo Courtesy: Embahadang Tsino sa Pilipinas