Kinapanayam nitong Huwebes, Agosto 11, 2022 ng pambansang media ng Tsina si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, pagkaraang dumalo siya sa isang serye ng pulong ng mga ministrong panlabas ng Kooperasyon ng Silangang Asya, dumalaw sa Kambodya, Bangladesh at Mongolia, at makipagtagpo sa mga ministrong panlabas ng Timog Korea at Nepal sa Qingdao, Lalawigang Shandong ng Tsina.
Isinalaysay ni Wang ang mga natamong bunga sa Pulong na Ministeriyal ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Aniya, inihayag ng mga ministrong panlabas ng Tsina at iba’t ibang bansang ASEAN ang tinig sa magkakasamang paghangad ng kapayapaan, paghahanap ng kaunlaran, at pagpapasulong sa katatagan, ipinamalas ang matibay na determinasyon sa pangangalaga sa pagkakapantay-pantay at katarungang pandaigdig, at ginawa ang paghahandang pulitikal para sa pagdaraos ng isang serye ng summit ng Kooperasyon ng Silangang Asya sa loob ng kasalukuyang taon.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea, isinalaysay ni Wang Yi na buong pagkakaisang sinang-ayunan ng mga kalahok na ministro ang pagdaraos ng aktibidad bilang paggunita sa ika-20 anibersaryo ng pagkalagda ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at inaasahang ilalabas ang magkakasanib na pahayag ng mga lider tungkol dito, at ipapakita ang komong determinasyon sa pagtatanggol ng kapayapaan at katatagan ng karagatang ito.
Buong pagkakaisang hinangaan ng mga ministro ang pagpapanumbalik ng face to face negotiation hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea (COC), at nagpupunyagi para matamo ang bagong bunga sa loob ng taong ito.
Nang mabanggit ang pagpunta ni Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika sa Taiwan, inilahad ng ministrong Tsino na ang makatarungan at makatuwirang paninindigan ng Tsina sa usapin ng Taiwan ay nakatanggap ng malawakang suporta. Inilabas ng Pulong ng mga Minsitrong Panlabas ng ASEAN ang pahayag kung saan inulit ang patakarang isang Tsina, at ipinanawagan ang paggigiit sa simulain ng Karta ng United Nations (UN).
Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng mga kaibigang nagmamahal sa kapayapaan at nananangan sa makatarungang pananaw, na magkasamang ipagtanggol ang simulain ng Karta ng UN, at pangalagaan ang katatagan ng rehiyon at kapayapaan ng mundo.
Salin: Vera
Pulido: Mac