Idinaos Setyembre 8 hanggang 11, 2022 sa lunsod Xiamen, lalawigang Fujian ng Tsina ang 2022 China International Fair for Investment and Trade (CIFIT), samantalang ginanap naman Setyembre 16 hanggang 19, 2022 sa lunsod Nanning, Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, Tsina ang 19th China ASEAN Expo (CAExpo) – dalawang platapormang nagbibigay ng mahalagang pagkakataon para sa mga negosyanteng Pilipino, Tsino at Timogsilangang Asyano upang magkalakalan at magkooperasyon.
Kaugnay nito, eksklusibong kinapanayam kamakailan ng Serbisyo Filipino-China Media Group (SF-CMG) si Froilan Emil D. Pamintuan, Vice Consul Commercial ng Philippine Trade and Investment Center sa lunsod Guangzhou ng Tsina (PTIC-Guangzhou).
Froilan Emil D. Pamintuan
Sinabi niyang mahalaga ang mga platapormang pang-negosyong tulad ng CIFIT at CAExpo dahil pinalalawig ng mga ito ang kalakalan at negosyo sa pagitan ng Pilipinas at mga bansa sa Timogsilangang Asya, partikular sa Tsina.
“Iyong CAExpo at CIFIT, nagbibigay ng pagkakataon sa Pilipinas para mas lumawak ang pamamaraan upang makipagkalakalan at makipagnegosyo tayo sa mga kapitbahay dito sa Asya-Pasipiko,” saad niya.
Ani Pamintuan, maraming negosyong Pilipino ang dumaraan sa mga pagsubok dahil sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), at itong CIFIT at CAExpo ay mga paraan upang mahimok silang ipagpatuloy ang pagnenegosyo kahit mayroon pa ring pandemiya.
“Ito ay ating paraan upang sabihing tayo ay bukas sa negosyo at nagsasama-sama tayo sa CIFIT at CAExpo upang magtulungan, upang mapabawi ang ating ekonomiya, upang magbukas ng mas marami pang mga trabaho, at upang palaguin ang ating ekonomiya sa rehiyong ito,” diin niya.
Taun-taon ay sumasali aniya ang Pilipinas sa CIFIT para makausap ang mga kompanyang Tsino na gustong mamuhunan sa bansa, at marami nang positibong bunga ang nagmula rito.
Mga opisyal at boluntaryo ng Konsulada Heneral ng Pilipinas sa Xiamen sa booth ng Pilipinas sa CIFIT
Isang negosyante habang nakikipagkonsulta sa booth ng Pilpinas sa CIFIT
Paliwanag ni Pamintuan, sa nakaraang CIFIT, may mga sektor nang nagpahayag ng interes na bumili ng produkto at maglagak ng puhunan sa Pilipinas, partikular sa mga larangang gaya ng enerhiya, manupaktura, elektronika at maging sa argrikultura.
“At kapag nagtayo ka naman ng negosyo sa sektor ng manupaktura, elektronika, o kahit sa agrikultura, sa karaniwan ay umaabot ng milyon o bilyong Piso ang halaga [ng puhunan]. Kaya, malaking tulong talaga iyong maaari nilang idulot sa ating ekonomiya kung matutuloy ang kanilang pagtatayo ng negosyo…” diin niya.
Dagdag ni Pamintuan, hindi lamang puhunan ang posibleng dalhin ng mga kompanyang Tsino at iba pang dayuhang kompanya sa Pilipinas kundi, magbibigay rin sila ng oportunidad sa pagkakaroon ng trabaho ng mga Pilipino, at magbubukas ng oportunidad para sa paglipat ng teknolohiya o technology transfer na kailangang-kailangan ng Pilipinas.
“Kung mayroon tayong mamumuhunan mula sa ibang bansa, galing sa Tsina kunwari, maari silang magdala ng teknolohiya na puwedeng magpabuti ng ating mga proseso sa pamamaraan ng pagpapatakbo ng negosyo sa Pilipinas,” paliwanag niya.
Ani Pamintuan, napakahusay ng mga industriya ng Tsina, lalo na sa larangan ng transportasyon, imprastruktura, didyital na ekonomiya at e-commerce, at kung ang mga kompanyang Tsino ay maglalagak ng puhunan sa Pilipinas, maibabahagi ang nasabing mga teknolohiya sa bansa, na siya namang magpapa-angat ng lebel ng pagnenegosyo.
Samantala, idinaraos naman aniya sa CAExpo ang ibat-ibang investment forum at eksibit na nakakahimok ng maraming negosyanteng Tsino at Timogsilangang Asyano na mamuhunan sa Pilipinas.
“May mga 21 eksibitor na Pilipino, kapuwa online at onsite, ang nakasali sa mga eksibisyon ng 19th CAExpo, at bukod pa roon, ang kagandahan din sa CAExpo ay maraming makikilalang kapuwa negosyante at opisyales ng gobyerno, kaya [maaaring] makapag-usap ng oportunidad at mabigyan ng pagkakataon iyong ating mga negosyante sa bawat rehiyon na magkakila-kilala,” paliwanag ni Pamintuan.
Booth ng Pilipinas sa 2022 CAExpo
Booth ng Pilipinas sa 19th CAExpo at mga opisyal ng Konsulada Heneral ng Pilipinas sa Guangzhou
Mga booth ng mga bansang ASEAN sa 2022 CAExpo
Maliban diyan, sinabi pa niyang bago pa man magsimula ang 19th CAExpo, nagkaroon na ng online business to business matching ang mga 10 Pilipinong negosyante sa mga prospektibong bibili ng mga produkto noong Setyembre 12, sa tulong ng sekretaryat ng CAExpo.
Tungkol naman sa kahandaan at kakayahan ng Pilipinas upang tanggapin ang mga puhunang Tsino, sinabi ni Pamintuan na sa talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbubukas ng 19th CAExpo, ipinahayag niyang handang-handa ang Pilipinas sa pagtanggap ng mga dayuhang kompanya, lalo na ang mga kompanyang Tsino.
Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga kompanyang Tsino na maglagak ng puhunan sa mga ekonomikong cluster na gaya ng industriyal na manupaktura’t transportasyon; teknolohiya, media’t telekomunikasyon; at kalusugan o life sciences.
Sa ikalawang kuwarter ng 2022, naitala ng Pilipinas ang 7.3% na paglaki ng gross domestic product (GDP) – isa sa pinakamataas sa Timogsilangang Asya, at napakabata rin, edukado, at mataas ang kakayahan ng lakas-manggagawa ng bansa, kaya naman, malaking bentahe ang mga ito para sa mga kompanyang Tsino na nagbabalak mamuhunan sa Pilipinas, saad ng pangulong Pilipino.
Tungkol naman sa takbo ng ugnayang pang-negosyo ng Pilipinas at Tsina sa hinaharap, sinabi ni Pamintuan na bagamat may mga restriksyon pa rin kaugnay ng pandemiya ng COVID-19, tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng PTIC-Guangzhou sa mga negosyanteng Tsino upang personal na makausap at malaman iyong kanilang mga kailangang impormasyon, pangangailangan’t kahilingan tungkol sa pagtatayo ng negosyo sa Pilipinas, at optimistiko siyang maraming kompanyang Tsino ang magtatayo ng negosyo sa bansa.
Sa kabilang banda, tuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng PTIC-Guangzhou sa mga Pilipinong negosyante upang i-ugnay sila sa mga prospektibong kanegosyo sa Tsina.
Kaugnay nito, sinabi niyang mayroong kompanyang Tsino na naglagak ng puhunan sa Pilipinong kompanyang “Potato Corner,” kaya naman, may 2 prangkisa ang nagbukas kamakailan sa lunsod Guangzhou.
Pinag-aaralan din aniya ng mga Pilipinong negosyante ang pagtatayo ng negosyo sa Tsina at “alam kong hindi nila palalampasin ang malaking oportunidad na ibinibigay ng merkadong Tsino para sa mga negosyong Pilipino.”
Panayam/Ulat: Rhio Zablan
Patnugot sa website: Jade
Patnugot sa audio: Lito
Larawan: PTIC-Guangzhou/IC/CFP