CMG Komentaryo: Responsibilidad sa pagpapasulong ng komong pag-unlad ng Asya-Pasipiko, ipinakita ng Tsina

2022-11-21 11:04:21  CMG
Share with:

Sa katatapos na Ika-29 na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting na idinaos sa Bangkok, Thailand, iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang serye ng mahahalagang mungkahi hinggil sa pagtatatag ng Asia-Pacific community with shared future at pagpapasulong ng integrasyon ng kabuhayang panrehiyon.

 

Ang mga ito ay inilakip sa mga dokumento ng Ika-29 na APEC.

 

Kasalukuyang kinakaharap ng Asya-Pasipiko ang mga hamong gaya ng mabagal na pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig, pagkalat ng ideya ng Cold War at pagsasagawa ng bloc confrontation ng ilang bansa.

 

Bilang tugon, iniharap ni Xi ang mga mungkahing gaya ng paggigiit ng tunay na multilateralismo, pangangalaga sa sistema ng multilateral na kalakalan, paggigiit ng pagbabahaginan, mutuwal na kapakinabangan, at pagbubukas ng rehiyon at mga kooperasyon.

 

Ang pagtatatag ng Asia-Pacific community with shared future ay nagpapakita ng hangarin ng mga mamamayan ng Asya-Pasipiko para sa kapayapaan at pagtutulungan, samantalang ipinahahayag naman ng mga mungkahi ni Xi ang responsibilidad ng Tsina sa pangangalaga sa kooperasyon ng rehiyon.

 

Ang paggigiit ng Tsina sa pagbubukas sa labas at pagbabahaginan ng pagkakataon ng pag-unlad ay nagpapalakas ng kompiyansa ng mga ekonomiya ng Asya-Pasipiko.

 

Kasabay ng pagdalo ni Xi sa APEC meeting sa Thailand, ipinatalastas ng Tsina at Thailand ang pagtatatag na mas masagana, mas matatag at mas sustenableng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang bansa.

 

Nauna rito, sa pagdalo ni Xi sa Ika-17 G20 Summit sa Bali Island, Indonesya, nilagdaan ng Tsina at nasabing bansa ang panlimahang taong plano ng mga aksyon.

 

Ang naturang mga kooperasyon ng Tsina, Thailand at Indonesya ay hindi lamang mga modelo para sa konstruksyon ng Asia-Pacific community with shared future, kundi isa ring pagtitipun-tipon ng mas maraming puwersa tungo sa pagpapasulong ng mapayapang pag-unlad ng Asya-Pasipiko at buong daigdig.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio