Wang Yi at Antony Blinken, nag-usap sa telepono

2022-12-23 15:01:34  CMG
Share with:

Sa paanyaya ng panig Amerikano, nag-usap sa telepono ngayong araw, Disyembre 23, 2022 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika.

 

Saad ni Wang, ang pagtatagpo noong isang buwan sa Bali, Indonesya nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika ay nagbigay ng estratehikong patnubay sa muling pagbalik ng bilateral na relasyon sa malusog at matatag na landas, at paghulagpos sa napakahirap na situwasyon.

 

Diin niya, dapat magpokus ang kapuwa panig sa mga komong palagay na narating ng dalawang lider sa Bali, tungo sa aktuwal na patakaran at konkretong aksyon.

 

Ani Wang, unibersal na inaasahan ng mga mamamayang Tsino’t Amerikano, maging ng buong mundo, ang pagbuti ng relasyong Sino-Amerikano.

 

Dapat hanapin ng magkabilang panig ang tumpak na paraan ng pakikipamuhayan ng dalawang malaking bansa na tulad ng Tsina at Amerika, at gawin ang kinakailangang sigasig para sa benepisyo ng kanilang mga mamamayan, at kapayapaa’t katatagan ng daigdig, dagdag ni Wang.

 

Inulit naman ni Blinken ang patuloy na pagtalima ng panig Amerikano sa patakarang isang Tsina, at di pag-suporta sa pagsasarili ng Taiwan.

 

Aniya, handa ang Amerika na makipagtalakayan sa Tsina hinggil sa prinsipyong tagapagpatnubay ng bilateral na relasyon, responsableng pangasiwaan ang relasyong Amerikano-Sino, at isagawa ang kooperasyon sa mga larangang angkop sa komong kapakanan ng kapuwa panig.

 

Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa isyu ng Ukraine.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio