Bilang tugon sa pinakahuling ulat na inilabas ng Misyon ng Amerika sa United Nations (UN) tungkol sa muling pagpapalakas ng pamumuno ng bansang ito sa nasabing organisasyon, sinabi kahapon, Enero, 21, 2022, ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na baligho at di-makatwiran ang pagtuturing ng panig Amerikano ng pagpigil sa impluwensiya ng Tsina bilang pangunahing tungkulin at tagumpay nito sa UN.
Ipinahayag ni Zhang, na laging nagsisikap ang Tsina para magbigay ng ambag sa pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran, sumuporta sa UN, at tumulong sa iba’t ibang bansa. Ang hinahangad aniya ng Tsina ay bukas at inklusibong kooperasyon, pagkakapantay-pantay, at mapayapang pakikipamuhayan.
Dagdag ni Zhang, sa halip na pagbibigay-priyoridad sa pagpapasulong ng pandaigdigang kooperasyon, isinasagawa ng Amerika ang komprontasyon sa ideolohiya, at hinaharang ang pagganap ng papel ng mga bansang gaya ng Tsina. Ito aniya ay nakasira ng pagkakaisa at pagtitiwalaan sa pagitan ng mga kasaping bansa ng UN, at nakaapekto sa pagtupad ng mga tungkulin ng naturang organisasyon.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos