Nilagdaan Pebrero 11, 2022, ni Pangulong Joe Biden ng Amerika ang executive order, na nag-a-awtorisa sa paggamit ng halos kalahati ng 7 bilyong dolyares na frozen Afghan asset sa Amerika para sa kompensasyon sa mga biktima ng mga "Pananalakay ng Setyembre 11."
Ayon pa sa nasabing kautusan, ililipat ang nalalabing kalahating naka-freeze na ari-arian sa isang account ng Federal Reserve Bank of New York, para sa pagbibigay-tulong sa mga mamamayang Afghan.
Ipinagdiinan sa nasabing atas na hindi maaaring ibigay sa Taliban ang naturang mga naka-freeze na ari-arian.
Kaugnay nito, ipinalalagay ng Afghan Taliban at mga personahe ng iba’t-ibang sirkulo, na ang ganitong kilos ay immoral, at walang karapatan ang pamahalaang Amerikano na gastahin at kontrolin ang mga ari-ariang ito.
Anila, ang aksyong ito ay magdudulot ng mapanganib at di-mababawing kapinsalaan sa kabuhayan ng Afghanistan.
Sunud-sunod ding kinondena ng maraming personahe ng sirkulo ng pulitika at kabuhayan ng Afghanistan ang nasabing aksyon ng pagnanakaw ng Amerika sa ari-arian ng mga mamamayang Afghan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio