Tsina, inulit ang pagtutol sa pagdedebelop, pagkakaroon, o paggamit ng mga sandatang biyolohikal at kemikal

2022-03-12 17:26:38  CMG
Share with:

Sa sesyon ng United Nations Security Council na idinaos kahapon, Marso 11, 2022, tungkol sa biyolohikal na seguridad sa Ukraine, sinabi ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na buong higpit na tinututulan ng Tsina ang pagdedebelop, pagkakaroon, o paggamit ng anumang bansa ng mga sandatang biyolohikal at kemikal sa ilalim ng anumang kalagayan.

 

Inulit ni Zhang ang suporta ng Tsina sa lubusang pagbabawal at ganap na pagwasak ng lahat ng mga sandata ng malawakang pagpuksa, na kinabibilangan ng mga sandatang biyolohikal at kemikal.

 

Hiniling din niya sa mga bansang hindi pa sinisira ang kani-kanilang malaking bilang ng mga sandatang kemikal, na gawin ang aktuwal na aksyon sa lalong madaling panahon.

 

Ang nabanggit na sesyon ay idinaos batay sa kahilingan ng Rusya para talakayin ang bintang nitong militar na pananaliksik na biyolohikal ng Amerika sa Ukraine.

 

Tinukoy ng panig Ruso, na may network ng mga laboratoryong biyolohikal sa Ukraine na pinatatakbo ng Pentagon ng Amerika, bilang bahagi ng programa ng sandatang biyolohikal ng bansang ito.

 

Pinabulaanan ng pamahalaang Amerikano ang naturang akusasyon, at sinabi nitong layon ng Rusya na hanapin ang pangangatwiran para gamitin ang mga sandatang kemikal o biyolohikal.

 

Pero, inamin naman nitong Martes ni U.S. Undersecretary of State for Political Affairs Victoria Nuland, na may mga pasilidad ng pananaliksik na biyolohikal sa Ukraine.

 

Samantala, iminungkahi kamakailan ng World Health Organization sa Ukraine, na wasakin ang mga mapanganib na pathogen na ini-iimbak sa mga laborotaryo ng kalusugang pampubliko sa bansang ito, para maiwasan ang anumang potensyal na pagtagas o pagsingaw ng mga ito, na magdudulot ng pagkalat ng sakit sa mga tao.

 

Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos

Please select the login method