Tunxi, Lalawigang Anhui ng Tsina—Pinanguluhan Miyerkules, Marso 30, 2022 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa pagtatagpo ng mga ministrong panlabas ng Tsina, Afghanistan at Pakistan.
Ipinagdiinan ni Wang na sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, dapat muling simulan ng tatlong panig ang trilateral na mekanismong pangkooperasyon, at pasulungin ang kooperasyon sa pulitika, kaunlaran at seguridad, batay sa simulain ng paggagalangan, pantay-pantay na pagsasanggunian, mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta.
Binigyan naman ng positibong pagtasa nina Shah Mehmood Qureshi, Ministrong Panlabas ng Pakistan at Amir Khan Muttaqi, Acting Foreign Minister ng caretaker government ng Afghan Taliban ang mahalagang katuturan ng nasabing pagtatagpo at katatapos na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng mga Kapitbansa ng Afghanistan.
Inihayag ni Muttaqi ang kahandaan ng panig Afghan na muling ipangako sa Tsina, Pakistan at buong mundo, na hinding-hindi nito pahihintulutang magamit ng mga terorista ng teritoryo ng Afghanistan, para makapinsala sa kapakanan at mga mamamayan ng ibang bansa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio