Performance ng Pilipinas sa Ika-5 CIIE, maganda: AgriCon Ana Abejuela

2022-11-10 19:06:12  CMG
Share with:

Si Ana Abejuela, Agriculture Counsellor ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina 


“Sa tingin ko, maganda ang performance ng Pilipinas sa Ika-5 CIIE.” 


Ito ang ipinahayag ni Ana Abejuela, Agriculture Counsellor ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina sa eksklusibong panayam ng China Media Group Filipino Service, Miyerkules, Nobyembre 9, 2022.


Ang 2022 China International Import Export (CIIE) ay ginaganap sa Shanghai mula Nobyembre 5-10. Ito ang ikalimang pagsali ng Pilipinas sa naturang taunang ekspo.


Halaga ng pirmadong kasunduan, bagong rekord


Saad ni Abejuela, hanggang Nobyembre 7, umabot na sa USD$ 607.41 milyon ang halaga ng mga napirmahang Purchase Agreement sa pagitan ng sampung kompanyang Pilipino at labing isang kompanyang Tsino. 


Maliban dito, narating din aniya, Nobyembre 8, ng delegasyong Pilipino ang isa pang kasunduang nagkakahalaga ng USD$ 500,000 hinggil sa pagluluwas ng sariwang mangga mula sa Luzon. 


Dagdag pa riyan, napirmahan din ang kontrata hinggil sa pagluluwas ng cacao at banana chips na nagkakahalaga ng USD$ 20,000, ani Abejuela.  


Bunga nito, naabot ng Pilipinas ang bagong rekord sa halaga ng nalagdaang kasunduang pangkalakalan sapul nang lumahok ito sa taunang CIIE noong 2018. 


Mga sariwang manggang nakatanghal sa 2022 CIIE


Mga ipinakikilalang banana chip 


Mga ibinibidang cacao



Dagdag ni Abejuela, ang sariwang saging at pinya ng Pilipinas ay nasa unang puwesto ng mga inaangkat na naturang dalawang uri ng prutas sa merkadong Tsino. 


Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinida ng Pilipinas ang mga sariwang mangga at cacao sa Ika-5 CIIE.


Sa kabuuan, 63 kompanyang Pilipino ang kalahok dito,  pinakamalaking bilang kumpara sa naunang apat na ekspo. 


“In terms of the fresh fruits and frozen fruits, we have made good. Maraming inquiries din hinggil sa mga coconut product na gaya ng coconut oil, coconut milkpowder, at coconut cream,” saad ni Abejuela. 


Sa 2022 CIIE, ang Philippine Pavilion ay binubuo ng dalawang bahagi: Food Philippines at Coconut Philippines. 


Kabilang sa Food Philippines ang 40 kompanya, at kanilang itinatanghal ang mga sariwang prutas, inumin, meryenda, iniprosesong prutas, at kape. 


Samantala, tampok naman sa Coconut Philippines ang mga produkto ng 23 kompanya ng niyog. 

Food Philippines sa Ika-5 CIIE


Kapeng Pilipino, patok sa merkadong Tsino


Isa sa mga bagong-pakilalang produkto ng Pilipinas sa Ika-5 CIIE ay specialty coffee. 


Ito ang tawag sa kapeng nakaabot sa 80 hanggang 100 coffee grade. 


Ang kapeng ito ani Abejuela ay may pinakamataas na kalidad ng lasa at bango. 

Coffee nook sa 2022 CIIE Philippine Pavilion


Aniya pa, pinag-uusapan na ngayon ng mga kompanyang Pilipino at mga potensyal na kapartner na Tsino ang paraan at detalye ng pagluluwas ng kape sa Tsina. 


 “We don’t expect immediate big sale, because the buyers have to test the beans and taste it,” dagdag pa ni Abejuela. 


Ang Pilipinas ay isa sa mga natatanging bansa kung saan naitatanim ang lahat ng apat na uri ng coffee bean na kinabibilangan ng arabica, robusta, liberica at excelsa.


Samantala, ang Tsina ay may merkado ng kape na mabilis yumayabong, at umaabot sa 10% ang taunang paglaki nito sapul noong 2017.


Bukod dito, ang Shanghai na may mahigit 7,800 coffee shop ay tinaguriang coffee capital ng daigdig. 


Isang coffee shop sa Shanghai



Panayam: Sissi

Ulat: Jade 

Pulido: Rhio

Patnugot sa website: Jade/Sissi

Larawan: Sissi/CGTN