Mahigit USD$655 milyon, benta ng Pilipinas sa Ika-5 CIIE: pinakamataas sa lahat ng sinalihang aktibidad sa mundo

2022-11-18 23:22:09  CMG
Share with:

2022 CIIE Philippine Pavilion


Ayon kay Mario C. Tani, Commercial Vice Consul ng Konsulada Heneral ng Pilipinas sa Shanghai at Puno ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC-Shanghai), na umabot sa halos USD$655.15 milyon ang kabuuang benta ng Pilipinas sa katatapos na Ika-5 China International Import Expo (CIIE).

 

Ito aniya ang pinakamataas na naitalang kita ng Pilipinas sa anumang sinalihang aktibidad sa buong mundo sa taong 2022, at pinakamalaking benta sapul nang sumali ito sa taunang CIIE noong 2018.

 

Dagdag ni Tani, sa nasabing halaga, 97% ang galing sa onsite export sales, samantalang 3% naman ay mula sa mga online business matching.

 

“Tumaas nang husto ang mga produktong iniluwas ng Pilipinas sa Tsina nitong 5 hanggang 6 na taong nakalipas, at ang mga benta ay 5 beses na mas malaki kumpara noong unang paglahok ng Pilipinas sa CIIE,” aniya pa.


Mario C. Tani, Commercial Vice Consul ng Konsulada Heneral ng Pilipinas sa Shanghai at Puno ng PTIC-Shanghai


Sapul nang magsimula ang CIIE noong 2018, taun-taong lumalahok ang Pilipinas.


Noong 2021 CIIE, umabot sa USD$ 597.34 milyon ang onsite export sales ng Pilipinas – mas mataas ng 29.3% kumpara noong 2020 na nagkahalaga ng USD$ 462 milyon. 

Samantala, USD$389.70 milyon ang naabot ng bansa sa ikalawang CIIE, at USD$ 124 milyon naman sa unang CIIE.

 

Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng Philippine Pavilion sa Ika-5 CIIE, sinabi ni Kalihim Alfredo E. Pascual ng Department of Trade and Industry (DTI) na simula nang mabuo ang CIIE, kinilala ng Pilipinas ang napakalaking oportunidad na hatid nito.

 

Ang paglahok aniya ng bansa sa CIIE ay hindi lamang praktikal na aksyon sa paghahagilap ng oportunidad pangnegosyo, kundi, ito rin ay isang pangangailangan para sa pagpapalawak ng Pilipinas ng pandaigdigang merkado.

 

Samantala, pagtitibayin pa aniya ng Pilipinas ang reputasyon nito bilang maaasahang mapagkukunan ng produktong pagkain, at patuloy rin itong magpupunyagi upang maipakilala sa merkadong Tsino ang mas maraming de-kalidad na produktong pagkain ng Pilipinas.


 Mga opisyal ng delegasyong Pilipino sa 2022 CIIE 


Sa kabilang dako, sa pamamagitan ng Trade Promotions Group (TPG) at Export Marketing Bureau (EMB), nilagdaan ng DTI ang mga kasunduan ng intensyong pangkooperasyon sa dalawang pinakamalaking food chamber ng Tsina – ang China Chamber of Commerce of Foodstuffs and Native Produce (CFNA) at Shanghai Food Association (SFA), na may mga 7,500 miyembrong kompanya upang ibayo pang mapataas ang kooperasyon sa pagitan ng mga tagapagluwas ng pagkain ng Pilipinas at mga kompanya ng pagkain ng Tsina sa mga aspektong tulad ng pagtutugma ng negosyo, kooperasyong teknikal, pagpapasigla ng pamumuhunan, at pagpapataas ng kakayahan ng produksyon.

 

Ginanap sa lunsod Shanghai, gawing silangan ng Tsina ang Ika-5 CIIE mula Nobyembre 5 hanggang 10, 2022. Animnapu't dalawang (62) kompanyang Pilipino ang lumahok dito, pinakamalaking bilang kumpara sa naunang apat na ekspo. 


2022 CIIE Philippine Pavilion Coffee Nook  (Ang specialty coffee ay isa sa mga bagong-pakilalang produkto ng Pilipinas sa Ika-5 CIIE)


2022 CIIE Philippine Pavilion


2022 CIIE Philippine Pavilion


2022 CIIE Philippine Pavilion business matching


Ulat/Larawan: Sissi

Pulido: Rhio/Jade 

Patnugot sa website: Jade