2022 Philippine Tourism Online Roadshow, sinimulan

2022-11-03 21:45:38  CMG
Share with:



Noong Abril 1, 2022 nagbukas ang Pilipinas sa mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Napakahalaga ng papel ng travel trade sector ng Tsina sa paghikayat ng mga turistang Tsino na magbakasyon muli sa Pilipinas. Kaya naman  isang plataporma ng komunikasyon ang handog ng Tourism Promotions Board (TPB) kasama ng Department of Tourism – Shanghai  Office. Magkakaroon ng ilang mga webinar  upang mas pasiglahin ang ugnayan at likhain ang  oportunidad para sa negosyong panturismo ng Pilipinas at Tsina.

 

Gaganapin ang ikalawang Online Philippine Business Mission (PBM) for China Market mula Nobyembre 7-11, 2022.  

 

Alok ng aktibidad ang pagkakataong makapag-usap ang mga kinatawan ng kumpanyang panturismo ng Pilipinas at kanilang mga counterpart na Tsino.

 

Inaasahang lalahok ang mga 70 kumpanya mula sa pampamahalaan at pribadong sektor.  Ibabahagi sa event ang mahalagang impormasyon, produkto at serbisyong panturismo, pandemic protocols para sa mga turista, mga insentibo para sa partners, at mga plano kaugnay ng pagpapasigla ng negosyo at maging ng ugnayan sa turismo ng Pilipinas at Tsina.

 

Bilang paghahanda sa Online PBM, gaganapin ang tatlong pre-event webinars mula Nobyembre 2 - 4, 2022. Ang mga ito ay Latest Developments in Philippine Tourism, Post-pandemic Era New Opportunities for Philippine Tourism : North Luzon Area at ang  Island Tourism Opportunities.

 

Ayon sa datos ng PDOT Shanghai ang visitor arrivals from China ay umabot sa  26,894 mula Enero hanggang Oktubre 2022 lumaki ito ng  362% kumpara sa parehong panahon ng tinalikdang taon. Maliit kung ihahambing sa bilang bago ang pandemya. Ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng dayuhang turista sa Pilipinas, at umabot sa 1.74 million ang arrivals noong 2019.

  

Sa mga planong pangkaunlaran ng Pilipinas matapos ang pandemya, kinilala ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang turismo bilang mahalagang tool o kagamitan sa pagpapabangon ng ekonomiya. Ito aniya ay economic driver na nagbibida sa Tatak Pilipino na may kakayahang lumikha ng pagkakakitaan at kaunlaran ng bansa.

 

 

Las Casas


Palawan island


Tubbataha Reef


Ulat: Machelle Ramos 

Patnugot sa website: Jade 
Larawan: DOT