Specialty coffee ng Pilipinas, kauna-unahang ibinibida sa CIIE

2022-11-08 16:58:04  CMG
Share with:

Video na nagtatampok sa Philippine Specialty Coffee tasting activity sa 2022 CIIE

 

Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakilala sa Ika-5 China International Import Expo (CIIE) ang mga specialty coffee ng Pilipinas.

 

At upang matunghayan at matikman ng mga panauhin at mangangalakal sa 2022 CIIE ang natatanging kape mula sa Pilipinas, isang coffee nook ang binuksan sa Philippine Pavilion.

 

Coffee nook sa 2022 CIIE Philippine Pavilion

 

Kasabay nito, idinaos din ang Philippine Specialty Coffee tasting activity sa Parkyard Hotel, Shanghai, Nobyembre 5, 2022.

 

Sa kanyang talumpati sa aktibidad, sinabi ni Josel F. Ignacio, Consul General ng Pilipinas sa Shanghai, na tulad ng Kenya, Mexico, at Colombia, ang Pilipinas ay isa sa mga ilang bansa sa daigdig na may mataas na produksyon ng roasted coffee.

 

Ipinagmamalaki ng Pilipinas, na isa ito sa mga natatanging bansa kung saan naitatanim ang lahat ng apat na uri ng coffee bean na kinabibilangan ng arabica, robusta, liberica at excelsa, saad ni Ignacio.

 

Aniya pa, itinatanim sa buong Pilipinas ang kape, at galing sa limang kompanya ang mga itinatanghal at natitikmang kape sa nabanggit na tasting activity.

 

Mga ibinibidang kape sa coffee tasting activity

 

Ipinalinawag din niya kung bakit ang CIIE at Shanghai ang napili bilang entrada ng kapeng Pilipino sa pamilihang Tsino.

 

Aniya, ang Tsina ay may merkado ng kape na mabilis lumalago, at umaabot sa 10% ang tauhang paglaki nito sapul noong 2017.

 

Bukod diyan, tumaas din aniya ng 15% ang taunang paglaki ng konsumo ng kape sa bansa.

 

Samantala, ang Shanghai naman na may mahigit 7,800 coffee shop ay tinaguriang coffee capital ng daigdig, dagdag pa ni Ignacio.  

 

Sapul noong 2018 nang magsimula ang unang CIIE, taun-taong lumalahok dito ang Pilipinas.

 

Ayon sa ulat ng Philippines-China Food Cooperation and Business Forum na idinaos Nobyembre 7, 2022 sa panahon ng kasalukyang CIIE, mahigit USD$600 milyon ang nakuhang kasunduang pangkalakalan ng Pilipinas sa Ika-5 CIIE.

 

Noong 2021 CIIE, umabot sa USD$ 597.34 milyon ang onsite export sales ng Pilipinas; tumaas ito ng 29.3% kumpara noong 2020 na nagkahalaga lamang ng USD$ 462 milyon.

 

Samantala, USD$389.70 milyon ang naabot sa ikalawang CIIE, at USD$124 milyon naman sa unang CIIE.

 

Layon ng CIIE na buksan ang pamilihang panloob ng Tsina sa pandaigdigang merkado para suportahan ang liberalisasyong pangkalakalan at globalisasyong pangkabuhayan.

 

Alok nito ang malaking benepisyo sa mga bansa at rehiyon ng daigdig upang maging mas malakas ang pagpapalitan at pagtutulungang pangkabuhaya’t pangkalakalan.

 

Ang CIIE para sa taong 2022 ay ginaganap mula ika-5 hanggang ika-10 ng Nobyembre, sa Shanghai, munisipalidad sa dakong silangan ng Tsina.

 

 

Ulat: Jade/Sissi

Pulido: Rhio

Video: Sissi

Larawan: Sissi/Jade/DA