Natapos Huwebes, Enero 5, 2023 ang dalaw-pang-estado sa Tsina ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).
Sa pag-uusap nila ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, tinukoy ng dalawang lider ang kahalagahan ng relasyong Sino-Pilipino.
Sumang-ayon silang panatilihin ang regular na estratehikong pag-uugnayan, palalimin ang pragmatikong kooperasyon, maayos na pangasiwaan ang mga suliraning pandagat, at iba pa.
Ito ang kauna-unahang opisyal na pagdalaw ni PBBM sa labas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), sapul nang manungkulan siya bilang pangulo ng Pilipinas.
Siya rin ang unang banyagang lider na sinalubong ng panig Tsino sa kasalukuyang taon.
Ipinakikita nito ang mataas na pagpapahalaga ng dalawang panig sa kanilang ugnayan.
Sa pag-uusap ng dalawang lider, inihayag ng Tsina’t Pilipinas ang mithiin upang alisin ang mga hadlang na panlabas, at magpokus sa pagpapalalim ng tradisyonal na pagkakaibigan.
Bukod diyan, ipinakita rin ng kapuwa panig ang kompiyansa at kakayahan sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea, at ginawa ang mariing reaksyon sa mga puwersang panlabas na nagtatangkang lumikha ng pagkakawatak-watak at komprontasyon sa Asya-Pasipiko.
Sa magkasamang pagsaksi ng dalawang lider, nilagdaan ang serye ng mga dokumentong pangkooperasyon sa mga larangang gaya ng sinerhiya ng Belt and Road Initiative ng Tsina at "Build, Better, More” program ng Pilipinas, agrikultura, pangingisda, pinansya, turismo at iba pa.
Lahat ito ay masaganang bunga ng kauna-unahang makahulugang aktibidad sa ugnayang panlabas ng Tsina sa bagong taon.
Noong 1974, bumisita, sa kauna-unahang pagkakataon sa Tsina si PBBM, kasama ng kanyang inang si Imelda R. Marcos upang ilatag ang daan sa pagtatatag ng pormal na ugnayang Sino-Pilipino, at magiliw silang tinanggap ng mga dating lider ng Tsina.
Sa kasalukuyan, muli siyang dumalaw sa Tsina, at sa pamamagitan ng biyaheng ito, inaasahan ng lahat na magkakaroon ng mas magandang kinabukasan ang relasyong Sino-Pilipino.
salin: Vera
Pulido: Rhio